Mga residente, umalma sa banta ni Duterte na ipapasara ang Boracay

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 02:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

"Okay lang 'yun sa mga mayayaman. Eh kami, mga residente dito, isang kahig, isang tuka. Eh, paano kami?"

Ito ang naging tugon ni Danny Gilito sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasara ang isla ng Boracay dahil sa problemang dulot ng tambak na basura sa kalusugan at kapaligiran.

Isa lang si Gilito sa mga residente sa isla na nangangamba na maaaring maapektuhan ang kanilang kabuhayan kasunod ng banta ng pangulo.

"Sana 'wag niya ipasara 'yung Boracay. Kasi dito na kami naghahanap ng kabuhayan namin," pahayag ni Daniel Agustin, isang tindero ng buko.

Para kay Noli Cabudac, isang bangkero, na huwag sana silang lahatin sa problema.

"Siguro mapasara niya lang 'yung mga establisimyento na walang mapaglagyan ng mga dumi nila na sa dagat pumupunta," aniya. 

Sinang-ayunan naman ito ni Marilou Antonio, isang administrator ng Barangay Balabag sa Malay.

"Nakakalungkot lang po, kasi kaming taga-Boracay, kumbaga ito na 'yung bread and butter namin," aniya.

"Pero sabihin na natin meron pong pagkukulang, meron po talagang mga issues, pero portion lang po 'yun."

"Kung iikutin po ang buong Boracay, hindi naman po ganun karumi. Hindi naman po ganun kalala 'yung problema."

'OVERDEVELOPED'

Ngunit, inamin naman ng isang may-ari ng resort na "overdeveloped" na ang isla na kilala sa buong mundo dahil sa puting buhangin at bughaw na dagat.

"We've got a lack of implementation. We have a lack of infrastructure development," ayon kay Noa Macavinta na isa ring environmentalist.

"Maybe some of our fellows are not so keen on putting, let's say rules and environmental regulations over profit."

Ipinakita naman ni Nenette Graf, pinuno ng Boracay Foundation Inc., na sa Bulabog Beach sa Barangay Balabag ang paagusan ng mga tubig at dumi.

"'Yan nga actually ang naging dahilan bakit nalagay sa limelight ang pollution sa Bulabog," aniya.

Itinuro rin ni Gilito ang drainage system kung saan tambak ng dumi ng tao.

Aniya, puno na umano ang septic tank ng mga ilang kabahayan.

Ipinakita rin niya ang marumi at mabahong tubig sa kalsada na nangingitim na.

"Dati, daluyan ng ulan. Ngayon, daluyan na ng mga dumi ng tao," ani Gilito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.