'Supply ng bigas ng NFA, kulang na'

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 10:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas din ang presyo ng commercial rice

Limitado na ang supply ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).

Paliwanag ng NFA, kulang kasi ang nabiling bigas noong nakaraang taon.

"Mayroon tayong supply ng NFA rice kaya lang limitado, so sa ngayon pina-prioritize kung saan dadalhin 'yong NFA rice," paliwanag ni NFA spokesperson Rebecca Olarte.

Bukod sa limitado ang supply, piniling ilaan din ito para sa mga biktima ng kalamidad.

Tulad ng NFA-NCR na naglaan ng 100,000 sako ng bigas sa mga nasalanta kaya't halos wala nang natirang supply ng bigas sa NFA warehouse sa Quezon City.

Nasa 250,000 metriko tonelada lang na bigas ang pinayagang angkatin ng NFA Council noong nakaraang taon.

Sapat lang ito sa pito hanggang walong araw na supply kung sa NFA lang bibili ng bigas ang buong bansa. 

"Last year hindi kami gaanong nakapamili ng palay kasi napakataas ng bili ng private traders... kaya mas preferred ng farmers sa kanila magbenta para mas maganda 'yong kita," ani Olarte.

Matatandaang noong nakaraang taon, sinipa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal dahil sa pagkontra niya umano sa desisyon ng NFA na ipagpaliban muna ang pag-aangkat ng bigas habang panahon ng ani.

Pero nagsisimula na naman daw umani ng bigas sa iba't ibang bahagi ng bansa, kaya makabibili na ulit ang NFA ng supply. 

Layunin din nilang muling mag-angkat mula sa ibang bansa. 

Pakiusap ng NFA sa mga rice retailer, huwag magtaas ng presyo dahil sa shortage ng NFA rice.

PRESYO NG COMMERCIAL RICE

Nangangamba naman ang ilang nagbebenta ng bigas na tataas ang presyo ng commercial rice ngayong nagkukulang na ang supply ng NFA rice.

Kuwento ni Cresencia Sario, may-ari ng isang NFA rice outlet, itinigil na ang pag-distribute ng bigas ng NFA sa mga tulad niyang rice retailer.

"Ubos na ang mga bigas namin kasi alam ko yung natitirang stock sa warehouse dinala na sa Marawi at 'yong iba sa Mayon," sabi ni Sario. "Usually, ang epekto niyan sa commercial [rice], medyo tumataas ang commercial [rice] natin."

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinumpirma naman sa panayam ng "S.R.O." ng DZMM kay James Magbanua, presidente ng Association of Rice Retailers, na tumaas na ang presyo ng commercial rice.

"Tumaas in the sense na, sa world market, ang presyo ngayon is $470 per metric ton, from $410-$420 [per metric ton," ani Magbanua.

Dagdag niya, tumaas na rin ang presyo ng commercial palay.

"Fresh from the farm, umaabot na ng P19 per kilo... masyadong mataas na 'yan. Rule of thumb [sa pagbebenta] times two, that's already P38-P40 per kilo."

Aniya, sakop ng pagkukulang ang NFA rice na halagang P27 o kaya'y P32 kada kilo.

"Buong Pilipinas ngayon, nagkaroon tayo ng pagkukulang doon sa market ng subsidized rice na galing sa gobyerno... NFA rice," ani Magbanua.

Sabi ni Magbanua, inaasahang may darating na supply ng bigas sa Marso at Abril.

-- May ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.