Ano ang nag-iisang bentahe ng 'dehadong' si Broner kontra kay Pacquiao?

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 01:26 PM | Updated as of Jan 18 2019 03:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang isang boxing analyst na walang kalaban-laban ang Amerikanong boksingero na si Adrien Broner sa pagtatapat nila ni Manny Pacquiao sa Linggo sa MGM Grand Garden Arena. 

Sa panayam ni Al Mendoza sa DZMM TeleRadyo, pinagdiinan nitong lamang na lamang ang Pambansang Kamao kontra kay Broner na “napulot” lang umano aniya. 

Ngunit ibinahagi rin ni Mendoza na kung mayroon mang magiging bentahe si Broner bago ang bakbakan, ito ay ang kaniyang malinis na kartada laban sa mga kaliweteng boksingero.

“Doon sa 6 na nakalaban niyang kaliwete, tinalo niya lahat. May winning streak siya sa mga na kalaban niyang kaliwete,” pahayag ni Mendoza. 

Sa kabila nito, malaki pa rin ang tiwala ng sports analyst na puputulin ni Pacman ang streak na ito. 

Minaliit din ni Mendoza ang 33-3-1 win-loss-draw card ni Broner. Ito ay sa kabila ng 24 knockouts na naitala sa kaniyang professional career sa isport. 

Ayon kay Mendoza, sa mga napatumba ng atleta, wala naman umano rito ang matatawag na kilala sa larangan ng boksing habang ang tatlong talo nito ay nalasap niya sa mga kamay ng mga kilalang manlalaro. 

Yumuko si Mendoza kina Shawn Porter, Marcos Maidana at Mikey Garcia. 

“Iyang 3 tumalong ‘yan sa kanya [Broner], wala ‘yan kay Manny Pacquiao. Sisiw ‘yan kay Manny Pacquiao ‘yung tumalo kay Broner,” pagmamalaki ni Mendoza. 

Mismong ang nagbabalik na si Freddie Roach ang aniyang nagsabi na maagang mapapatumba ni Pacquiao ang kalaban.

Ayon kay Mendoza, bihira lamang magbigay ng matapang na prediksyon si Roach at kasama itong sagupaan kontra Broner na sinabi ng coach ni Pacquiao na mabilis na mapapatulog ng kaniyang boksingero ang kalaban.

“Walang laban ‘to. Maski si Fredie Roach, pilit niyang sinasabi sa early goings na laban ay tutulog itong si Broner. Bihira magsalita ‘tong si Roach,” ani Mendoza. “Dati ang sagot niya ‘we will see’. Ngayon, ang sagot niya, ‘early knockout’.”

Sa kabila nito, pinaalalahan pa rin ni Mendoza si Pacman na huwag magpakampante at siguruhing mapapatumba si Broner sa ibabaw ng ring dahil ito ang magdidikta kung magkakaroon umano ng rematch si Pacquiao kontra kay Floyd Mayweather.

Para kay Mendoza, ito ang kahalagahan ng laban ni Pacquiao kay Broner. “Ito ‘yung kailangan niyang laban para maikasa ang rematch nila ni Mayweather. Ang rematch na ‘yan dapat mangayri this year.”

At sa kaniyang prediksyon, ang kamay naman ni Pacman ang itataas ng referee pagkatapos ng rematch.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website