'Ano'ng mararating ng P200?'

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 10:46 PM | Updated as of Jan 16 2018 03:46 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naliliitan ang isang labor group sa ibibigay ng gobyerno na dagdag na P200 buwanang ayudang pinansiyal para sa 10 milyong pinakamahihirap na pamilya at indibidwal ngayong 2018.

Tingin ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), hindi kayang ibsan ng P200 ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) sa presyo ng petrolyo, bilihin, at mga serbisyo.

"Ano ang mararating ng P200? E nagtaasan na nga 'yong presyo ng bigas, isda, karne, at iba pang mga serbisyo [tulad ng] kuryente, tubig," ani Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP. "Maraming mga kababayan nating mahihirap ang mahuhulog pa lalo doon sa pinakailalim ng kahirapan."

Sa ilalim kasi ng "unconditional fund transfer" na inilatag ng gobyerno, makatatanggap ng P200 na subsidiya ang 4.4 milyong benepisyado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), 3 milyong indigent o mahihirap na senior citizens, at 2.6 milyon na nasa listahan ng "poor households" ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

"Noon pa man, during the public hearings, sinabi na rin po iyan ng Department of Finance na magkakaro'n tayo ng average na 1.5 percent inflation, at 'yon nga po ang pinaghahandaan kaya nagbigay din po tayo ng subsidy," ani DSWD Undersecretary Emmanuel Leyco.

Itataas din sa P300 ang subsidiya pagdating ng 2019 at 2020.

Manggagaling ang pondo para sa subsidiya sa kikitain ng TRAIN na naglaan ng P24 bilyong piso para sa social welfare.

Target ng DSWD na maipamahagi ang dagdag subsidiya sa 10 milyong beneficiaries hanggang Hunyo 2018.

KULANG NA AYUDA?

Nais namang pag-aralan ng ALU-TUCP ang magiging epekto ng TRAIN sa lahat ng uri ng bilihin at serbisyo para gamiting basehan sa ihahain nilang minimum wage hike petition ngayong taon.

Iyon nga lang, hindi sakop ng minimum wage ang informal sector gaya ng mga driver o vendor.

Tulad ng pamilya ni pamilya ng ginang na si Bernie Rodas na umaasa sa kita ng mister na isang jeepney driver.

Halos P300 lang kada araw ang naiuuwi ng mister mula sa pamamasada.

Nakatatanggap din naman ang kaniyang pamilya ng P2,200 kada dalawang buwan bilang benepisyado ng 4Ps.

Sa kabila ng ayuda, gipit pa rin sila sa budget. 

Kung susumahin kasi ang pang-araw-araw nilang gastos, papatak ito sa P510 dahil P60 ang nakalaan para sa isa't kalahating kilo ng bigas, P200 para sa ulam na isda, tuyo, o longganisa at instant noodles, P50 para sa iniigib na tubig, at P200 para sa pamasahe ng tatlong estudyanteng anak.

Nasa P40 din lang ang naidadagdag sa kanilang arawang budget ng subsidiya mula sa 4Ps.

Kuwento niya, kada linggo ay kailangan niyang umutang ng P500 para lang mairaos ang kanilang gastusin.

Kahit papano'y makakatulong sa kanila ang dagdag na subsidiya ng DSWD.

Gayunman, tiyak pa ring uutang sila para matustusan ang bilihin, lalo na iyong tataas ang presyo sa TRAIN.

-- Ulat nina Zen Hernandez at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.