KILALANIN: CA justice na ponente sa pag-absuwelto kay Joel Reyes

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 11:27 AM | Updated as of Jan 11 2018 11:50 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - "Masuwerteng three-point shot," "milagro" o "pangalawang pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos."

Ganito inilarawan ng ponente ng desisyon ng Court of Appeals ang pag-absuwelto kay dating Palawan Governor Joel Reyes sa kasong pagpatay kay environmentalist at radio host na si Dr. Gerry Ortega.

Umani ito ng batikos, hindi lamang sa mga tagasuporta ng mga Ortega kundi maging sa Solicitor General mismo, na tinawag pa ang desisyong ito na "umaalingasaw."

Pero sino nga ba ang ponente o sumulat ng naturang desisyon na pinaburan din nina Associate Justice Danton Bueser at Associate Justice Victoria Isabel Paredes?

Siya ay si Associate Justice Normandie Pizarro, na isinalarawan sa CA website bilang "man of action" at "man for all seasons," at pinuri pa dahil sa kanyang "zero-backlog record."

Kabilang sa mga kontrobersiyal na desisyong kanyang pinaburan at isinulat kamakailan ay ang pag-absuwelto kay Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention na reklamo ng whistleblower na si Benhur Luy.

Si Associate Justice Pizarro rin ay pumabor at nagsilbing ponente sa desisyon ng CA na nagbasura sa $2 bilyong na claim ng mga biktima ng human rights violations noong panahon ng dikataduryang Ferdinand Marcos.

Isa namang ulat mula sa Philippine Star ang lumabas ngayong Huwbes na si Pizarro ay magreretiro sa isang buwan, sa halip na sa Pebrero 7, 2019, kung saan aabot siya sa retirement age na 70.

Una nang sinabi ni Solicitor General Jose Calida na hahabulin nila ang kaso laban kay Reyes kahit pa makarating na ito sa Korte Suprema.