Ang pamamaga ng internal organs ng mga batang namatay umano dahil sa Dengvaxia ay bunsod ng mga posibleng side effects ng bakuna, ayon sa isang health advocate.
Ayon sa forensic examination na isinagawa sa 4 na batang namatay umano dahil sa severe dengue, lahat ng mga biktima ay nakaranas ng internal bleeding at pamamaga ng mga internal organ.
Ang pamamaga ng mga organ o "viscerotropism" ay isa sa side effects ng yellow fever vaccine kung saan kinuha ang strain na ginamit sa paggawa ng Dengvaxia, sabi ng health advocate na si Dr. Susan Mercado sa isang panayam sa DZMM.
"'Yung Dengvaxia, ang pinanggalingan niyan ay 'yung yellow fever virus na pinsan ng dengue. Isa sa mga nangyayari sa mga may yellow fever ay 'yung mga organs, namamaga," ani Mercado.
Ang internal bleeding naman ay karaniwang nararanasan ng mga tinatamaan ng dengue dahil inaatake ng virus ang mga platelets at blood vessels.
"Lahat ng vessels ay nagiging marupok dahil sa dengue kaya nagkakaroon ng pagdudugo," sabi ni Mercado.
"Ang platelets naman ay kailangan para mamuo ang dugo. Kapag bumaba ang mga platelets, tuloy-tuloy ang pagdudugo dahil hindi magclo-clot 'yung dugo," dagdag niya.
Ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III, pare-pareho ang sintomas na naranasan ng mga yumaong batang sinuri ng Public Attorney's Office Forensic Laboratory.
"I think the findings of the forensic pathologist is consistent with the severe dengue shock syndrome," ani Duque sa isang panayam naman sa ANC.
Payo naman ni Mercado, agad na dalhin sa ospital ang sino mang nakararanas ng tuloy-tuloy na pagtaas ng lagnat.
"Basta may lagnat at umaakyat ng umaakyat, ikonsulta na natin lalo na kung 'yung bata ay nabigyan ng bakuna whether or not nagka-dengue na dati ang bata," sabi ni Mercado.
"'Yung mga nabakunahan ng Dengvaxia, ang bilis ng death nila. Kapag nagkasakit sila, isang linggo lamang, naghe-hemorrhage na kaya kailangan tayo ay hypervigilant," dagdag niya.
Nauna nang inamin ng Sanofi Pasteur, ang gumawa ng bakunang Dengvaxia, na maaaring makaranas ng mas malalang sintomas ng dengue ang isang binakunahan ng gamot na hindi pa nagkakaroon ng sakit na ito.
Tinatayang may 830,000 na bata ang nabakunahan ng Dengvaxia sa ilalim ng programa ng gobyerno na nag-umpisa noong 2016. Ipinatigil ito agad matapos ang anunsiyo ng Sanofi ukol sa maaaring epekto ng gamot sa hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Ipinaalis din ng gobyerno ang Dengvaxia sa merkado.
Pinagmulta naman ng Food and Drug Administration ang Sanofi ng P100,000 at sinuspende ang certificate of product registration ng Dengvaxia ng isang taon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.