Saan galing ang paniniwalang dapat mahawakan ang Nazareno tuwing 'Traslacion'?

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2018 11:50 AM

Sa pag-asang makararanas ng milagro, itinataya ng libo-libong deboto ang kanilang buhay at kaligtasan upang mahawakan ang imahen ng Itim na Nazareno tuwing "Traslacion." Pero saan nga ba nagmula ang paniniwalang ito?

Ayon sa histoyador na si Xiao Chua, naka-ugat sa Bibliya ang paniniwalang gagaling mula sa karamdaman ang mga mananampalatayang makalalapit sa imahen.

"May biblical itong sense kasi noong panahon ng ating Panginoong Hesukristo, hinawakan siya ng isang babaeng nagdurugo nang napakatagal na panahon na. Natigil ang pagdurogo noong by faith ay hinawakan," sabi sa DZMM ni Chua.

"Of course, representasyon lang itong kahoy na Nazareno... Ang Filipino, very visual. Gusto niya nakikita niya ang pananampalataya niya at doon nakatuon nga sa Nazareno. Pero ang hinahawakan niya, alam niya na ang Panginoong Hesukristo," dagdag niya.

Ngayong Martes, muling idadaos ang prusisyon ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.

Tinalakay ni Chua kung bakit maraming Pilipino ang naging deboto ng Nazareno, bakit itim ang mahigit 400-taong-gulang na imahen nito, at kung nasaan ang mga orihinal na parte nito. Panoorin dito ang kaniyang buong panayam.

DZMM, 7 Enero 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.