PANOORIN: Darna, Xander Ford at iba pang nagpakulay sa showbiz nitong 2017

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 10:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naging makulay ang mundo ng showbiz nitong nagdaang 2017 dahil sa mga samu't saring hot topics na kinasangkutan ng mga personalidad. 
    
Nangunguna na rito ang kumpirmasyon mismo ni Liza Soberano na siya na ang susunod na lilipad bilang favorite Filipina superhero na si "Darna". 

"Yes it's confirmed, tinatanggap ko na po ang role bilang si Darna...I was really excited 'coz I know this is such a big project," ani Soberano sa kaniyang unang rebelasyon.

Kaliwa't kanang endorsement ang bumati sa aktres matapos ang announcement at sinuportahan din siya ng fans na gumawa pa ng samu't-saring Darna fan art.

Kasama rin sa mga pinag-usapan ang hiwalayang Erich Gonzales at Daniel Matsunaga matapos ang dalawang taong relasyon.

Hindi man nagkabalikan ang dalawa, pareho naman silang naging busy at successful sa kani-kanilang career.
    
Nagluksa naman ang mundo ng showbiz sa magkasunod na pagkamatay nitong Nobyembre ng aktres na si Isabel Granada dahil sa aneurysm at ni Hashtag member Franco Hernandez dahil sa pagkalunod.

Uminit naman ang usapan sa social media nang magkahamunan ng basketball match-up ang Kapamilya actors na sina Daniel Padilla at Paul Salas matapos ang Star Magic All-Star game. 

Nag-trending at umabot pa sa 22,000 retweets at 84,000 likes ang tweet ni Padilla na sinagot din ni Salas.
    
Trending topic din si Charice na nagdesisyon na mag-transition bilang si Jake Zyrus. 

Samu't sari ang reaksiyon sa social media 'di lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. 
    
Isa pang transformation at mainit din na pinag-usapan ang pagpaparetoke ng social media personality na si Marlou Arizala.

Naging number one "most searched" male personality sa Google Philippines si Arizala bilang Xander Ford. 

Agaw-pansin naman ang relasyong John Lloyd Cruz at Ellen Adarna na unang nakita sa mga viral video ng dalawa habang nagbabakasyon sa Cebu nitong Setyembre.

Umugong din ang ispekulasyon na nagdadalantao na si Adarna pero walang kumpirmasyon ito mula sa rumored couple na magkasamang sinalubong ang Pasko ngayong 2017.

Sa paparating na Bagong Taon, inaasahang magiging mainit pa at kaabang-abang ang mga mangyayari sa showbiz.

--Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.