PatrolPH

MMFF 2018 target kumita ng P1 bilyon: spox

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2018 03:47 PM | Updated as of Dec 25 2018 04:11 PM

MMFF 2018 target kumita ng P1 bilyon: spox 1
Hindi natinag ng ulan ang pag-arangkada ng karosa ng pelikulang "Fantastica" para sa 2018 Metro Manila Film Festival Parade of Stars. Sakay nito ang mga bida ng pelikula kasama ang komedyanteng si Vice Ganda. George Calvelo, ABS-CBN News

Target ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na kumita ng P1 bilyon sa takilya ngayong taon, sabi ng tagapagsalita ng taunang film festival.

Pero ayon kay MMFF Spokesperson Noel Ferrer, mauunawaan nila kung hindi man makaabot sa P1 bilyon ang kabuuang kita ng walong pelikulang kalahok sa pista dala na rin ng epekto ng inflation sa pamumuhay ng mga tao.

"We're really targeting sana maabot ng P1 bilyon this year," sabi sa DZMM ni Ferrer ngayong Martes, kasabay ng pag-arangkada ng pagpalabas sa mga sinehan ng mga kalahok na pelikula.

"But of course we would understand kung hindi man, kasi naintindihan natin 'yong context naman ng pamumuhay ng mga tao kasi mas mahal 'yong sine ngayon compared to last year," aniya.

Watch more on iWantTFC

Sakaling umabot sa P1 bilyon ngayong taon, matatapatan nito ang higit P1 bilyon kita ng MMFF noong nakaraang taon.

Pero umaasa si Ferrer na susuportahan pa rin ng mga manonood na Pinoy ang mga pelikula ng MMFF gaya ng kanilang pagsuporta sa mga banyagang pelikula na ipinalabas sa bansa nitong taon, at sa "The Hows Of Us" nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

"'Pag palabas naman 'yong mga big Hollywood movies, nandoon pa rin naman 'yong mga tao. Noong pinalabas naman 'yong 'Hows of Us' ng KathNiel, nandoon pa rin naman 'yong mga tao," sabi niya.

Ang "The Hows of Us," na ipinalabas noong Agosto hanggang Setyembre, ang kauna-unahang lokal na pelikulang tumabo sa higit P600 milyon sa box office.

Ayon kay Ferrer, inaasahang magiging malakas sa takilya ngayong taon ang mga comedy film, kabilang ang "Fantastica" ni Vice Ganda at "Jack Em Popoy: The Puliscredibles" ni Coco Martin.

"Palagi naman kasi parang 'yan 'yong respite ng mga tao sa hirap ng buhay nila, gusto nilang tumawa," ani Ferrer.

Ipinaliwanag naman ni Ferrer na napupunta ang kita ng MMFF sa mga benepisyaryo gaya ng Film Academy of the Philippines, Movie Workers Welfare Foundation, Inc. at Anti-Film Piracy Board.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.