MMFF 2019 'Parade of Stars' dinumog ng fans

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2019 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Dinumog ng fans ang taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars nitong Linggo, kung saan bumida ang mga bonggang karosa ng 8 pelikulang kalahok. 

Saktong ala-1 ng hapon ay umarangkada ang parada sa Taguig City, na pinagunahan ng sayawan at tugtugan.

Nanguna sa parada ang float ng "Mission Unstapabol: The Don Identity" nina Vic Sotto, Pokwang, at Jake Cuenca. 
    
Hugis octopus ang disenyo ng kanilang karosa.

Itsurang isla naman na may kubo ang float ng "Culion" kung saan nakasakay sina Iza Calzado, Meryll Soriano, Jasmin Curtis, at iba pang cast. 

Isang malaking script naman ang disenyo ng "Write About Love" float nina Miles Ocampo, Rocco Nacino, at Joem Bascon. 

Agaw atensiyon naman, hindi ang float, kundi ang nakasakay sa karosa ng "3pol Trobol Huli Ka Balbon."

"Absent" kasi ang bidang si Coco Martin at si "Paloma" ang kumaway sa mga nakaabang sa parada kasama sina Aiai de las Alas at Jennylyn Mercado.

Parang nakakulong naman at nasa likod ng rehas ang buong cast ng "Miracle in Cell Number 7."
    
Naki-join sa pagkaway ang buong pamilya ni Aga Muhlach.

Higanteng kamay naman ang kapansin-pansing disenyo ng tanging horror drama movie ngayong taon na "Sunod" ni Carmina Villarroel. 

Ang tanging kakaiba ang hugis sa mga float ay ang pelikulang "Mindanao" na isang malaking bangka na may ulo ng dragon sa unahan. 
    
Samantala, humabol naman si Vice Ganda sa float ng "The Mall the Merrier." 

Kahit may ilang makikipot na daan at kawad ng kuryente, mabilis ang naging takbo ng parada.

Masaya ang stars na nakapagbigay sila ng kasiyahan sa mga taga-Taguig at sana mahikayat sila na manood ng mga pelikula sa MMFF. —Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.