Ilang artista, naglaan ng oras sa adbokasiya nila ngayong kapaskuhan

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 10:24 PM | Updated as of Dec 22 2017 11:23 PM

Bahagi na ng tradisyon sa kapaskuhan ng ilang personalidad ang magbigay ng oras para sa kani-kanilang charity at adbokasiya.

Tulad na lamang ng “Ikaw Lang ang Iibigin” actress na si Kim Chui na nagpasaya sa mga katutubong Aeta sa Pampanga sa pamamagitan ng pagbibigay-tulong. 

Bunga ito ng nalikom na halaga ni Chiu mula sa kaniyang Christmas bazaar. 

Sa kaniyang social media post, nagpasalamat si Chiu sa lahat ng tumangkilik ng kaniyang mga paninda na maraming katutubo ang natulungan.

Umiwas naman sa mata ng media sina Liza Soberano at Enrique Gil sa pamimigay ng regalo sa mga batang kalye sa iba’t ibang lugar sa Maynila.

Marami naman ang natuwa sa tambalang LizQuen na nagbahagi ng kanilang blessings ngayong kapaskuhan. 

Hindi naman mapawi ang mga ngiti ng mga kabataan sa Hospicio de San Jose ngayong Biyernes dahil sa pagbisita ng actor na si Piolo Pascual. 

Nagkaroon ng games, sayawan, at sabay-sabay na pagkain.

Tradisyon na ito ni Pascual at ng kaniyang pamilya tuwing kapaskuhan. Naging espesyal ang Hospicio de San Jose sa aktor nang mag-shoot siya ng pelikula sa lugar noong 2012.

Samantala, inilunsad ni mixed martial artist Laurence Canavan ang kaniyang proyekto na libreng tutulong sa mga Pinoy na gustong matuto ng MMA. 

Nakita ni Canavan ang potensiyal ng mga Pilipino sa sport pero kulang aniya sa suporta kaya ito ang naisip niyang gawing adbokasiya.
    
-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.