Coco Martin, nakipag-bonding sa fans sa Cavite

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 01:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Maagang nabulabog ang probinsiya ng Cavite dahil ito ang unang venue ni Coco Martin para sa kanyang series ng motorcade para sa promotions ng kanyang Metro Manila Film Festival movie na "Ang Panday."

Kahit kulang sa pahinga, hataw sa pakikipag-bonding at kaway-kaway si Coco sa kanyang fans.

"Napakasarap sa pakiramdam kasi sabi ko nga, kahit na puyat na puyat ka, wala kang pahinga, kapag nakikita mo sila na napapasaya mo sila ay nakakagaan ang pakiramdam," ani Coco.

Kuwento pa ni Coco, espesyal ang Christmas season na ito para sa kanya dahil nakasalamuha niya ang marami niyang tagasuporta sa telebisyon at sa pelikula.
 
"Espesyal kasi nakaharap ko ang mga tao in a way na pagmo-motorcade ko dahil sa 'Ang Panday,' at ito ang way ng pagpapasalamat ko sa kanila sa suporta nila sa akin sa 'FPJ's Ang Probinsyano' sa halos tatlong taon," ani Coco.

Sigawan din sa Bacoor pagdating ni Coco kung saan sinalubong siya ng mayor at aktres na si Lani Mercado na nagbigay-trivia sa career ni Coco.
 
"Parang anak na namin siya kasi nagsimula si Coco sa pelikulang 'Ang Agimat: Anting-Anting ni Lolo,' support siya ni Jolo," ani Lani.

"Noong nagsisimula pa lang akong mag-artista, sila po ang kauna-unahan na nagtiwala sa akin dahil ako ang ginawa nilang kontrabida that time ni Jolo," ani Coco.

Nag-reveal pa si Coco ng kanyang plano sa araw ng Kapaskuhan.
 
"Gusto ko isang araw pupunta ako ng mga sinehan na 'yung di alam ng mga tao. Gusto ko maramdaman kung ano ang reaksyon, kung nasiyahan ba sila, kung nagustuhan ba nila ang pelikulang ginawa namin," ani Coco.

Sa Sabado, December 23, magaganap ang 2017 MMFF Parade of Stars sa Muntinlupa at ipapalabas ang "Ang Panday" kasama ang pito pang official entries sa December 25.