PatrolPH

Script at costume ng Darna, planong baguhin ni Jerrold Tarog

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2018 12:26 PM

Script at costume ng Darna, planong baguhin ni Jerrold Tarog 1
Jerrold Tarog is the new director of 'Darna,' starring Liza Soberano. 'Goyo: Ang Batang Heneral. Facebook page and ABS-CBN News

MAYNILA - Sa naganap na DVD launch ng historical movie na "Goyo: Ang Batang Henaral" ng TBA Productions, nakapanayam ng ABS-CBN News ang direktor nito na si Jerrold Tarog na tumatayo ngayon na direktor ng inaabangan na Darna movie na pagbibidahan ni Liza Soberano.

Matatandaan na si Jerrold ang napiling ipalit ng Star Cinema para ipagpatuloy ang proyekto na sinumulan ng direktor na si Erik Matti.

Ayon sa direktor, wala pang update sa proyekto at hindi pa sila nagkikita ni Liza.

"Kasi kailangan ko ulitin 'yung script na tinatrabaho nila Direk Erik Matti. So andon ako sa stage ngayon na kailangan ko siya i-rewrite," aniya.

Paliwanag niya, nais niya na maging mas malalim at makabuluhan ang muling paglipad ng Pinay superhero.

"Nagte-take off ako doon sa draft nila, so mula doon kailangan ko mag-research ng kaunti, so medyo may reset ng kaunti," ani Jerrold.

Kahit na may malaking pagbabago sa script at magiging i-storya ng Darna, nilinaw ng bagong direktor na wala nang magbabago pa sa mga magiging tauhan ng pelikula. 

Script at costume ng Darna, planong baguhin ni Jerrold Tarog 2
Liza Soberano poses with the Darna licensed statue, designed and produced by Halimaw Sculptures. ABS-CBN

"In this case kasi si Liza [Soberano] lang naman ang naka-lock talaga e. Okay naman ako doon wala namang problema," sabi pa niya.

Bukod sa scipt, inamin din ng direktor na may malaking pagbabago sa costume ni Darna.

"May mga gagawin pa kami na additional for the costumes, mas praktikal. Basta kasi mayroong design na ginawa 'yung previous team, e medyo iba 'yung gusto kong direksyon," aniya.

"Kung iku-kumpara lang sa dating costume, may iba lang akong gagawin," patuloy ng Direktor.

Samantala, looking forward din si Jerrold na makilala na ng personal si Liza.

"Hindi pa kami nakakapag-usap e. Pero pag na-meet ko siya, doon ko palang masasabi ang expectations ko. Pero naniwala si Direk Erik Matti kay Liza, so 'yung faith niya, I’m sure worth it 'yung faith na 'yun. I'm looking forward to work with her," sabi pa niya.

Kung tatanungin naman kung kailan niya masisimulan ang shoot ng pelikula, ito ang kanyang naging pahayag: "'Pag natapos ko na, doon ko pa lang malalaman kung kailan namin masisimulan."

Sa ngayon, inihahanda na rin ng ABS-CBN Films ang bagong sound stage sa San Jose Del Monte, Bulacan kung saan inaasahan bubuuin ang inaabanangan na muling paglipad ni Darna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.