PatrolPH

Wally Bayola at Allan K, nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2020 07:48 PM

MAYNILA — Ibinunyag ng mga komedyanteng sina Wally Bayola at Allan K nitong Sabado na nagpositibo sila sa COVID-19.

Ayon kay Allan K sa kaniyang noontime show, dumating sa puntong isinugod siya sa ICU dahil naging “severe” ang kaniyang kaso.

Tatlong araw nanatili sa ICU ang komedyante, pero hindi aniya siya na-intubate.

Nanindigan din siyang madalas ang kaniyang pag-inom ng mga vitamins at sinusunod din niya ang minimum health protocols laban sa naturang sakit kaya hindi siya makapaniwala na tinamaan siya nito.

Inamin naman ng kaniyang co-host na si Wally Bayola na nagpabaya siya sa COVID-19 matapos aniya maniwala sa kumakalat na maling impormasyon tungkol sa sakit sa social media.

Hindi na umano nakakapagpalit ng damit si Bayola pagkauwi mula sa trabaho at hindi na rin niya nagawang sumunod sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield.

Nanatili umano sa ospital si Bayola nang 5 araw.

Sinabi naman ng dalawa na nilakasan nila ang pagdadasal at pagkapit sa Diyos para malampasan ang kanilang mga pagsubok dahil sa COVID-19.

PANOORIN: Banta ng COVID-19

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.