Momoland, naghahanda na para sa fan meet sa PH sa Enero

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 05:55 PM | Updated as of Dec 10 2018 09:32 PM

Sabik na ang South Korean girl group na Momoland na magtanghal para sa mga tagahanga nila sa Pilipinas sa unang public fan meet nila dito sa Enero.

Sa isang media conference nitong Lunes, ibinahagi ng miyembrong si Daisy na nagsimula nang maghanda ang kanilang grupo para sa fan meet sa susunod na buwan.

"They'll get to see some different performances that they have never seen before," sabi ni Daisy.

Idaraos sa Enero 25 sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City ang unang public fan meet ng Momoland. 

Unang bumisita ang grupo sa bansa noong Agosto para sa isang "exclusive at private event." 

Noong Linggo, humataw din ang grupo sa kanilang libreng concert sa Vigan City, Ilocos Sur.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa miyembrong si Nancy, marami silang natutunan ukol sa kultura ng Vigan habang naroon sila. 

"We actually got to learn a lot about the culture of Vigan," sabi ni Nancy, na popular sa mga Pinoy dahil sa pagkakahawig niya sa aktres na si Liza Soberano.

Bukod sa concert, lumahok din sa parada ng mga electronic float ang ilang miyembro ng Momoland sa Candon City, Ilocos Sur noong Sabado.

Nabuo ang Momoland noong 2016 sa pamamagitan ng Korean reality show na "Finding Momoland."

Ang mga nanalong miyembro -- sina Hyebin, Yeonwoo, Jane, Nayun, JooE, Ahin at Nancy -- ay inilunsad noong Nobyembre 2016. Nadagdagan sila ng dalawa pang miyembro -- sina Daisy at Taeha -- noong Marso 2017.

Sumikat dito sa Pilipinas ang Momoland dahil sa kanilang kantang "Bboom Bboom" na nagbunga ng isang viral dance challenge.

--Ulat nina Jaehwa Bernardo at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.