Kyla, hindi napigilang mapaiyak sa 'Magandang Buhay'

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 09:42 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi napigilan ng mang-aawit na si Kyla ang mapaiyak sa 'Magandang Buhay' nitong Biyernes nang maalala ang pinagdaanang pagsubok bilang isang ina.

Nagsimulang maging emosyonal si Kyla nang matanong ang tungkol sa suportang ibinibigay sa kanya ng kaibigang si KZ Tandingan sa kanyang pinagdadaanan.

Hindi na napigilan pang umiyak ni Kyla nang matanong naman tungkol sa sorpresang ibinigay sa kanya ng asawang si Rich Alvarez.

Pag-amin ni Kyla, binigyan siya ng sorpresa ng asawa para mapagaan ang kanyang damdamin.

"Oo. Bakit ba ako umiiyak? Oo sinurprise niya ako. Kasi nga 'yung pinagdaanan lately. So parang medyo malungkot talaga siya at medyo gloomy sa bahay. So siguro nakita niya na kailangan ko talaga ng something, so sinurprise niya ako, isang trip lang yon," ani Kyla.

Matatandaang noong nakaraang buwan nang ibahagi ni Kyla na nawalan sila ng "anghel" matapos siyang makunan sa pangalawang pagkakataon.

Kamakailan lang sa kanyang Instagram ay nagbahagi si Kyla ng mga retrato nang pagbisita niya sa Ilocos Sur.