JM, ibinahagi ang regalo para sa mga mahal sa buhay

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 12:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Ang magandang disposisyon sa buhay.

Ito ang regalo ng aktor na si JM de Guzman ngayong Kapaskuhan sa kanyang mga mahal sa buhay lalo na sa kanyang ama na si daddy Roniel.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, katabi ang kanyang ama, ibinahagi ni JM ang hindi materyal na handog para sa taong laging nandiyan para sa kanya. 

"To show him na 'yung disposiyon ko ay maganda. 'Yung focus ko sa buhay ko, goals ko. Kahit na hindi ko sabihin sa kanya basta kapag nakikita niya ako, nandoon ako. Hindi ako kakalas doon, para alam niya na may napuntahan ang sakripisyo niya at love niya sa akin," ani JM.

Kuwento pa ni JM, malaking bahagi ang ama sa kanyang naging pagbabago.
 
"Siya 'yung nag-push sa akin doon sa lampas sa limit ko at magawa ang mga akala ko ay hindi ko kayang gawin," ani JM.

Para naman sa ama ni JM, tila natanggap na niya ang kanyang regalo ngayong Pasko dahil sa mga sinabi ng anak.

"Sa sinabi niya, natanggap ko na ang Christmas gift," ani daddy Roniel na nagpasalamat pa sa anak dahil sa nakita nito ang halaga ng kanyang mga ginagawa para sa kanya.

Ayon kay JM, ngayong taon ay espesyal ang Pasko para sa kanya lalo't makakasama niya ang kanyang buong pamilya.

"This year nasa labas ako. Puwede akong magtagal. Kasi nung nasa facility ako ay may oras lang two hours lang kaming magmi-meet ganyan. Ngayon mas mae-enjoy ko na kasama sila," ani JM na halos 3 taong nag-Pasko sa rehabilitation center.

"Siyempe sobra (ang lungkot). Ini-imagine mo kung kasama mo sila. Naa-appreciate mo 'yung mga hindi mo ginagawa dati. Parang dati naman kapag Pasko ay tinutulugan ko lang sila o hindi ko pinupuntahan. Pero nung nandoon ako 'sana kasama ko sila, kahit simpleng usap lang,'" pagbabalik-tanaw ni JM.

Matatandaang pumasok sa rehabilitation center si JM dahil para matugunan ang problema niya sa ipinagbabawal na gamot.