Mula sa Instagram ni Vice Ganda
Umaapaw sa kagalakan ang puso ng host na si Vice Ganda matapos tanghaling Asia’s best entertainment host sa palabas na “Everybody, Sing!” sa katatapos na 2021 Asian Academy Creative Awards (AACA).
Sa programang “It’s Showtime!” nitong Sabado, inialay ni Vice ang tagumpay sa kaniyang nobyo na si Ion Perez at ina na si Nanay Rosario.
Ayon sa komedyante, kinausap niya si Perez na ipagdasal na manalo ito sa Singapore-based competition dahil para ito sa kaniya.
“Idine-dedicate ko ito sa ’yo kasi sa sobrang dagok na inabot ko, sa sobrang okray ng mga tao sa akin. Kung anu-ano ang naririnig ko. Sabi ko nga, salamat kasi yung pagmamahal niya hindi lang nakakaganda, nakakahusay,” saad ni Vice na nagpakilig sa mga kasamang host.
Lalo naman umano siyang natuwa nang makatanggap ng text mula sa ina na sinabing proud siya sa anak.
“Di ba, ang sarap gumising na parang kahit anong marinig ko, wala naman akong paki. Ang mahalaga, okay naman si Ion. Okay kami ni Ion at yung nanay ko, ang sarap sa feeling nung tinext ako ng nanay ko na, ‘You make your nanay proud again,’” kuwento ni Vice.
Nangako naman si Perez ng kaniyang patuloy na suporta sa kapareha: “Binabati kita bilang partner mo. Congratulations, babe. Siyempre, alam mo na yun kung gaano kita kamahal. Nandito lang ako lagi. Hindi kita iiwan.”
Ibinahagi rin Vice na dapat ay hindi ito makakadalo sa Gala Night ng AACA dahil may nauna na itong naka-schedule na gagawin.
Ngunit pinilit umano siya ng management na dumalo virtually kaya naman hindi ito nakapaghanda ng susuotin at sasabihin.
“Wala na ako sa mood. Wala akong speech. Tas bigla akong nanalo. Kung ano-ano sinabi ko kaya pasensya na kayo, mali-mali grammar ko. Mali-mali english ko kasi ang hirap,” natatawang saad ni Vice.
Bukod kay Perez at sa ina, inalay din ni Vice ang tagumpay sa bansa at sa ABS-CBN na hindi tumigil gumawa ng mga dekalidad na programa sa kabila ng mga problemang kinakaharap nito.
“This is a big win for ABS-CBN and the Philippines. Di ba nakakatuwa lang na kahit ang dami nating kinaharap na dagok, we were able to create contents na dekalidad na nire-recognize ng iba't ibang bansa, ng international organizations,” ani Vice.
Pinapurihan din niya ang “Everybody, Sing!” na naging inspirasyon at simbolo ng pag-asa sa maraming komunidad sa gitna ng pandemya.
“Ang ganda nitong show na ito. Nung una, gusto lang namin ng libang kasi wala nang ganung game show na umeere nung kaputukan ng pandemya,” paliwanag ni Vice.
“Kailangan ng Pilipinas ng game show na masaya for escape. Pero nagsanga na siya, hindi lang siya source of entertainment, naging source na siya ng light, hope and inspiration.”
Nagpasalamat din siya sa mga writers at researchers na dahilan umano kung bakit humuhusay panoorin ang mga kagaya niyang hosts.
Related video