'It's really been a challenging year': Elmo Magalona

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2018 08:16 PM | Updated as of Dec 06 2018 08:03 PM

Balik-eksena si Elmo Magalona sa isang charity event ng Star Magic matapos ang isyu sa pagitan nila ng dating katambal na si Janella Salvador.

Inamin ng actor-singer na si Elmo Magalona na naging "challenging" o mapanghamon ang taong 2018 para sa kaniya kasunod ng kontrobersiyang kinasangkutan nila ng dating katambal na si Janella Salvador.

Matapos ang ilang linggong pagkawala sa mata ng publiko, muling nakita si Magalona noong Sabado sa charity event ng Star Magic sa isang nursing home for the elderly. Doon, ibinahagi niya ang kaniyang kalagayan matapos ang mga isyung lumutang laban sa kaniya.

"I'm doing fine naman, keeping my focus," sabi ni Magalona.

"Every time, like this, when I can do things like this, giving back and making other people happy, that's really what's important to me," dagdag ni Magalona ukol sa charity event. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Inamin ni Magalona na matindi ang kaniyang pinagdaanan nitong 2018 at hindi raw niya malalampasan ito kung wala ang kaniyang pamilya, mga kaibigan at tagasuporta. 

"Yeah, it's really been a challenging year, for me definitely. And I'll be honest, it wouldn't have been possible without the help and love of my family, friends, and yung mga sumusuporta sa akin," ani Magalona.

Nang tanungin kung ano ang kaniyang pinakamalaking natutunan sa mga pinagdaanan, tugon ni Elmo: "You need to keep good company around you all the time, so that ma-feel mo that you're not alone."

Inakusahan ni Salvador noong Oktubre si Magalona ng physical abuse o pananakit.

Nagkatrabaho pa ang dalawa sa Canada matapos pumutok ang isyu pero napansin ng mga netizen na tila awkward ang dating magkatambal. 

Para sa susunod na taon, nais daw ni Magalona na pagtuunan ng pansin ang trabaho, at umiwas muna sa pagkakaroon ng love life at ng ka-love team.

Nakatakda ring maging bahagi si Magalona ng isang bagong serye at babalik na rin daw siya sa paggawa ng musika.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.