Netizens naantig sa 2020 Christmas ID ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2020 09:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Agad humataw at nag-trend sa social media ang 2020 Christmas ID ng Kapamilya network na pinamagatang "Ikaw Ang Liwanag At Ligaya" matapos itong ilabas noong Martes ng gabi.

Tampok sa video ang mga kuwento ng pag-asa at saya sa gitna ng panahong punong-puno ng pagsubok.

Kabilang dito ang kuwento nina Arjanmar at Khaye Rebeta na sinubok ng pandemya ang relasyon.

Si Monching Bueno naman, nagserbisyo bilang driver sa mga frontliner.

"Ako po ay nabigyan ng pagkakataon na mag-serve sa mga frontliners po natin. Nu'ng nakuha ko 'yung aking unang sahod, ibinili ko ng mga biskuwit, tinapay, bukod dun... nilagyan ko ng mga bible verses," kuwento niya. 

Mabilis na pinag-usapan sa social media ang Christmas ID at nag-trend pa sa Pilipinas at worldwide. 

Nagningning din ang mga bituin sa Christmas ID.

Kabilang sa mga umawit sina Darren Espanto, Iñigo Pascual, Rise Artist, mag-asawang Ogie at Regine Alcasid, Moira dela Torre, Martin Nievera, Lea Salonga, Sarah Geronimo, at marami pang iba.

Highlight rin sa Christmas ID ang paggamit ng iba't ibang lengguwahe na inawit nina KZ Tandingan, Elha Nympha, Morissette, Janine Berdin, Jona, at Bamboo. 

Kumpleto rin ang mga cast ng "Sa Iyo Ay Akin" at "Ang Probinsyano," pati "It's Showtime" family.

Nagtapos ang Christmas ID sa isang panalangin ng pasasalamat at pag-asa.


–Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.