Rhed Bustamante, pinasalamatan si Coco Martin

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 07:42 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by krebsbustamante1981 (@rhed_bustamante01) on

MAYNILA -- Isa ang child star na si Rhed Bustamante sa muling mananakot ngayong 2019 Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa pelikulang "Sunod" na pangungunahan ni Carmina Villaroel.

Una nang napanood at nagmarka si Rhed sa pelikulang "Seklusyon" na bahagi rin noon ng 2016 MMFF.

Ayon kay Rhed, kahit nalilinya ang mga proyekto sa horror, masaya raw siya ngayon sa kanyang ginagawa.

"Very different po ako sa ibang bata po na ngayong Pasko po nasa horror po kami. Masaya po kami sa ginagawa namin," sabi pa niya sa panayam ng press.

Masaya rin daw ang child star na muli siyang nakabalik matapos ang pinagdaanan noon na pagsubok sa kanilang pamilya.

"Very thankful po kasi sunod-sunod po ulit ang blessing. Tapos sa movie po na ito, napasama pa po ako sa cast," sabi pa ng child star.

Malaki rin ang pasasalamat ni Rhed sa "Ang Probinsyano" lead star na si Coco Martin na naging daan para sa kaniyang muling pagbabalik sa showbiz.

"Isa po siya sa mga mababait na tao na nakilala ko, kasi po tinulungan niya po ako, at napaka-professional po niya sa amin. Kapag po joke time, joke time, pero kapag nasa set kana po, dapat talagang trabaho po muna," sabi pa niya.

Baon rin daw ni Rhed ang mga aral na madalas sabihin sa kaniya ni Coco.

"Lagi po niya sinasabi na dapat humble ka lang daw po palagi, kasi hindi naman po natin kailangan ang magmayabang kahit na mayroon po tayong ipagyayabang. Dapat laging humble po palagi," ani Rhed.

Sa ngayon, napapanood pa rin si Rhed sa "Ang Probinsyano" habang ipinagpapatuloy ang kanyang pag-aaral.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.