'All is fine': Sharon nag-react sa pahayag ni Duterte sa kaniyang pamilya

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 06:34 PM | Updated as of Dec 02 2019 09:05 PM

Nilinaw ni Sharon Cuneta na maayos ang kanilang samahan ng mister na si Sen. Francis Pangilinan. Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinalalayas ng "Megastar" ang asawa sa kanilang bahay. Twitter: @kikopangilinan

Nilinaw ni Sharon Cuneta na maayos ang kanilang samahan ng mister na si Sen. Francis Pangilinan kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinalalayas na niya ang asawa sa kanilang bahay.

Sa caption ng kaniyang Instagram post, sinabi ni Cuneta na hindi niya alam kung saan nanggaling ang pahayag ni Duterte, na itinuturing niyang "tatay."

Sakali raw maghiwalay sila ni Francis, mismong ang "Megastar" ang magbabalita nito.

"I don't think anyone expects an announcement of this sort from the President of their country," ani Cuneta.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon pa kay Cuneta, mahilig magbiro si Duterte lalo at nasa oposisyon ang kaniyang mister.

"He has joked a few times against Kiko and about me in the past. Please rest assured that all is fine with my family," ani Cuneta.

"Right now my family and marriage have never been happier," dagdag ng aktres.

Sa Twitter naman idinaan ni Frankie Pangilinan, ang anak nina Francis at Sharon, ang kaniyang saloobin sa pahayag ni Duterte.

Ayon kay Frankie, nagulat siya nang makatanggap ng balitang nag-aaway ang kaniyang mga magulang, pero hindi mula sa kaniyang kamag-anak kundi mula sa pangulo.

Pinuna rin ni Frankie na mas abala ang pangulo sa pagsira umano sa isang masayang pamilya kaysa maging mabuting pinuno.

Nag-post din si Frankie sa Twitter ng retrato ng kaniyang mga magulang, na may caption na: "Protect them at all costs."

Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng Bonifacio Day noong Sabado, sinabi ni Duterte na gusto nang palayasin ni Cuneta ang senador sa kanilang bahay.

Iginiit ni Duterte na totoo ang kaniyang pahayag ukol sa pamilya ni Cuneta at nangakong magbibitiw sa puwesto kapag napatunayang nagsisinungaling siya. -- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.