Boots Anson-Roa, inamin na baka bumagsak ang kita ng MMFF

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2016 12:13 PM

MANILA -- Inamin ng aktres na si Boots Anson-Roa, miyembro ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival (MMFF), na maaring bumaba ang kita ng festival sa taong ito dahil sa hindi pagkakasama ng ilang mainstream movies tulad ng "Enteng Kabisote 10 and The Abangers " at "The Super Parental Guardians" ng Star Cinema. 

"Definitely sa tingin namin sa Executive Committee magkakaroon ng epekto 'yan sa kikitain," ani Roa sa panayam ng "Umagang Kay Ganda" nitong Huwebes. 

"If history will will repeat itself over the last 10 or so many years... 'yung dalawang pinakamalakas kumita sa festival ay ipinalabas na kahapon. So traditionally again halos kalahati ng film festival ay attributed doon sa kinikita ng box office hits natin. Hindi kagulat-gulat kung guguho ang kita ngayon. May target pero di naman lagi nasusunod ang target." 

Sa panayam, sinagot din ni Roa kung ano ang magiging epekto ng pagbaba ng kita ng festival sa mga benepisyaryo nito tulad na lang ng Movie Workers Welfare Foundation, Inc. (Mowelfund).

"Historically again, ang proceeds naman ng MMFF na napupunta sa beneficiaries and this is supposed to be net of 10% of amusement taxes dini-divide sa beneficiaries. Hindi naman talaga 'yan ang sumasagot sa kabuuan ng operational cost ng any beneficiaries for the entire year. So sanay na ang beneficiaries na magapasalamat kung mayroon man. Basta ang sistema ay patas at wagas. Kung anuman ang kakulangan ay naga-outsource ang beneficiaries nagpa-fund raising or cost-cutting," paliwanag ni Roa.

Kahit may hindi sang-ayon sa nangyaring pagpili ngayon ng selection committee ng MMFF, naniniwala si Roa na mayroon din itong positibong maidudulot.

"Unang-una, I would like to think na mayu-unify ang industry. Kasi may great divide between the indie and mainstream. Ngayon pinagsama ang indie at mainstream 'di kagaya ng mga nakaraang taon na may indie section na tinatawag na New Wave at may mainstream, ngayon ay pinagsama na," ani Roa.

"Pangalawa, kung quality at quality ang pag-uusapan, siguro ay mapipilitan ang mga kalahok at lalahok in the future na bigyan ng quality ang kanilang pelikula," aniya.

Sa huli, nakiusap si Roa sa mga manonood na tangkilikin ang opisyal na mga kalahok sa MMFF.

"Nire-respeto po namin ang opinyon ng iba't ibang sektor. ...Ang importante ay maging benepisyo ito sa entire film industry. Natutuwa kami na nakakuha ng playdate itong mga hindi nakapasok and we are happy that they are part of pre-Christmas season. May mga suggestions na binigay ang mga producers na ito. They are well taken, they will be adapted, noted, prospectively kasi we can not change. Pero kumbaga bagong putahe itong nasa menu. Subukan naman ninyo at suportahan niyo ang Metro Manila Film Festival," ani Roa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.