KathNiel, ibinahagi ang mga dapat abangan sa 'La Luna Sangre'

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 11:42 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Gabi-gabi inaabangan ang tumitinding mga eksena sa primetime teleserye na "La Luna Sangre."

Ibinahagi nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang mga dapat pang abangan sa kanilang programa.

"Aabangan kung kailan lalabas ang full transformation ni Malia, finally, and kung kailan magiging bampira si Tristan (Daniel Padilla)," ani Kathryn, na gumaganap bilang Malia sa serye.

"At aabangan din kung kailan kami magkakaharap-harap nina Sandrino (Richard Gutierrez) and Jacintha Magsaysay (Angel Locsin)," dagdag niya.

Kahit na mapapanood ngayong 2017 sa Metro Manila Film Festival si Daniel para sa pelikulang "The Revengers," mas focused daw muna ngayon ang love team sa kanilang serye bago tumanggap ng ibang proyekto.

"So far, wala pa naman kasi focus muna sa 'La Luna' lang talaga hanggang next year. So 'yun pa lang muna," ani Kathryn.

Nagbigay-update din sina Kathryn at Daniel bilang mga Cybersmile Foundation ambassadors. Kuwento nila, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagiging aktibo sa pagtulong sa adbokasiya ng samahan laban sa cyberbullying.

"Tuloy-tuloy pa rin. Hindi naman natin makikita 'yan nang bigla-bigla. Ang okay doon, sinimulan namin and sana mas marami pang sumama sa advocacy namin," ani Kathryn.

"Lalagyan lang namin ng konting pangil, kasi kapag masyado lang tayo puro salita, hindi naman nakikinig ang lahat. Kailangan may konting aksyon na mangyayari para lang may lesson sa kahit kanino na nang-aapi nang anonymous sa mga tao. Kailangan talaga may leksyon 'yun," dagdag ni Daniel.

Abala man sa gabi-gabing teleserye, patuloy din daw ang pagsulong nina Kathryn at Daniel sa pang-eenganyo sa lahat ng mga naniniwala sa kanilang ipinaglalaban.

"Open po kayo na tumulong sa aming campaign na aming ginagawa. Sana po magtulungan tayo at siyempre, magmahalan tayo," ani Daniel.

Hangad nina Kathryn at Daniel ang mas positibong online community para sa netizens na karamihan ay mga kabataan.