Coco Martin, nais bang tumakbo bilang pangulo tulad ni FPJ?

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 05:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Alam ng marami na labis ang paghanga ni Coco Martin sa yumaong King of Philippine Cinema na si Fernando Poe Jr., na tumakbo bilang pangulo noong 2004.

Plano rin ba ni Coco, bida ng seryeng "FPJ's Ang Probinsyano," na sumabak sa politika gaya ng kanyang idolo? 

Sa press conference nitong Huwebes para sa kanyang bagong pelikulang "Ang Panday," iginiit ni Coco na hindi niya nakikita ang kanyang sarili sa mundo ng politika.

Giit ng aktor, masaya na siya sa kanyang trabaho sa showbiz lalo pa't natupad na rin ang pangarap niya na maging direktor. 

"Parang hindi po tayo uubra doon," aniya.

Dagdag ng Kapamilya star: "Masaya po ako ngayon sa trabaho ko... Ang pagiging direktor, matagal ko nang pangarap pero ngayon ay nagkaroon ako ng chance at lakas ng loob para gawin ito."

Kuwento ni Coco, nais niyang magtagal sa mundo ng showbiz, tulad ng kanyang co-star sa "Ang Probinsyano" na si Eddie Garcia.

"Ang hinahangad ko po ay umabot ako sa edad ni Tito Eddie Garcia na hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa. Not because para kumita, pero 'yun din ang sekreto ng pagpapahaba ng buhay, 'yung alam mong may purpose ka pa rin sa mundong ito," aniya. 

Ipapalabas ang "Ang Panday" sa araw ng Pasko, Disyembre 25.