'KathNiel', negosyante na rin

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 09:20 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

May bagong papel si Kathryn Bernardo.

Mula sa pagiging idolo, sumabak na rin si Kathryn sa pagpapatakbo ng negosyo.

Naisip ni Kathryn na magtayo ng nail salon dahil hilig nito ang pag-aayos ng kaniyang kuko.

Inabot ng halos tatlong taon bago maitatag ang "Kathnails", na hango mula sa "KathNiel" na pangalan ng tambalan nila ni Daniel Padilla. 

"Ever since fan ako ng nice na brands ng nail polish. Usually nu'ng bata ako sumasama talaga ako kay mama pag nagpapa-nails siya," kuwento ni Kathryn. 

Inamin naman ni Kathryn na sinasanay pa niya ang sarili sa bagong gampanin.

"Naninibago ako sa mundo na 'to and I'm very lucky kasi nandiyan sila Mama to guide me kasi importante rin na matutunan ko 'to," aniya.

Paliwanag ni Kathryn, hindi naman habambuhay ang trabaho sa showbiz kaya kailangan niyang matuto sa pagnenegosyo.

Maging si Daniel ay may negosyo ring resto-bar.

Bukod sa on-screen partners, bukas din sina Kathryn sa posibilidad na maging business partners sila ni Daniel.

"Sana soon. 'Pag magtuloy-tuloy, 'pag maganda lahat, why not 'di ba?" ani Kathryn. "Maybe a restaurant."

Ibinunyag n Kathryn na plano nitong sumabak sa fashion business.

Iba man ang pag-aartista sa pagpapatakbo ng negosyo, natutuhan umano ni Kathryn na puhunan ang mga taong tumutulong sa kaniya sa parehong industriya.

-- Ulat ni Marie Lozano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.