Mga nag-viral sa pagsayaw sa hits ng Momoland, bumida sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 02:48 PM | Updated as of Nov 25 2018 04:24 PM

Naging dance craze sa bansa ngayong taon ay ang mga sayaw sa mga kantang "Bboom Bboom" at "Baam" ng South Korean girl group na Momoland.

Itinampok ngayong Linggo sa "ASAP Natin 'To" ang kuwento ng mga tao mula sa iba-ibang panig ng bansa, na nag-viral sa social media dahil sa kanilang pag-indak sa mga naturang kanta.

Watch more in iWant or TFC.tv

Una na rito ang batang si Llyam Augustine Manuel mula Iloilo City, na nakapukaw sa pansin ng mga netizen na sayawin ang "Bboom Bboom" habang naghihintay umano ng sundo sa eskuwelahan.

"Maraming natuwa. So as long as happy 'yong anak namin, happy rin kami," sabi ng ina ni Llyam na si Sally ukol sa pagiging viral ng anak.

Isang half-Pinoy, half-Indian beauty naman mula Bulacan ang nag-viral dahil sa video tampok ang kaniyang pagsayaw ng "Bboom Bboom" sa gitna ng baha sa kanilang lugar noong Agosto.

"'Yong intention ko po kasi noong mga oras na 'yon, kasi noong bagyo wala nang magawa, so sabi ko, 'Sige nga, Bboom Bboom na lang, baka ma-good vibes pa sila,'" sabi ni Preet Singh, 17 anyos.

"Kung may bagyo, let's still have our smile kasi 'yon 'yong nakakagaling talaga ng kalungkutan ng ibang tao," dagdag ni Singh.

Naging usap-usapan din sa social media ang isang libing sa Pampanga kung saan "Bboom Bboom" ang tugtugan.

Kuwento ni Julian Bonifacio, bilin daw sa kaniya ng kaniyang inang si Lourdes na kapag pumanaw ito, nais nito ng masayang pamamalaam.

"Nadiskubre ng nanay ko 'yong Momoland buhat noong sinasayaw ng mga apo kaya nagbilin siya na, 'Kapag ako namatay, gusto ko masaya,'" kuwento ni Bonifacio.

"Ako malungkot kaya lang ang bilin ng nanay ko, gusto niya sa paglisan niya masaya siya."

Nito lang Nobyembre, nagpaaliw naman ang limang pulis ng Puerto Princesa City Mobile Force Company (CMFC) sa Palawan nang sayawin nila ang "Baam" sa isang bloodletting activity.

Ito raw anila ang paraan nila upang mapalapit sa kanila ang publiko at hindi sila katakuan.

"Maligaya rin po kami na nailalapit namin 'yong aming ahensiya sa mga tao," sabi ni Police Officer 1 Kenneth Lizardo, isa sa dancing policemen.

Nabigyan ng pagkakataon sina Manuel, Signh at ang dancing policemen ng Puerto Princesa na ibida ang kanilang kakayahang magsayaw sa "ASAP" kasama ang ilang Kapamilya stars gaya nina Billy Crawford at Kathryn Bernardo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.