Vice Ganda, nilibot ang pamosong heritage destination sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2021 09:54 PM

Mula sa vlog ni Vice Ganda
Mula sa vlog ni Vice Ganda


Sikat na pasyalan sa probinsya ng Bataan ang isang beach resort na kintatampukan ng mga lumang bahay sa Pilipinas at animo’y larawan ng mayamang kasaysayan ng bansa. 

Kaya naman tila hindi nagpahuli ang komedyante at host na si Vice Ganda sa pagbisita sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan upang tingnan ang heritage destination na patok ngayon sa maraming Pilipino. 

Sa kaniyang vlog, nag-ikot sa ilang mga tahanan sa nasabing resort si Vice kasama ang nobyong si Ion Perez at mga kaibigan nito upang makita ang mga arkitektura at disenyo ng mga ito. 

Kabilang sa kanilang napuntahan ay ang Casa Lubao mula pa sa Pampanga na itinayo noong 1920s. Ayon sa tour guide, 30%-60% ng kasalukuyang bahay ay galing pa sa orihinal na bersyon nito.

Kasama rin sa paglilibot ang muling pagbabalik-tanaw sa mga tradisyunal na tawag sa iba’t ibang parte ng bahay tulad ng comedor at banggerahan. 

Nasilip din ni Vice ang Casa Quiapo na itinayo sa Maynila noon pang 1867 bago ibinigay ng may-ari na si Don Rafael Rodriguez sa Unibersidad ng Pilipinas. 

Huling pinuntahan ng “It’s Showtime” host ang tinutuluyan nilang Casa Byzantina na galing sa Binondo, Maynila. 

Kagaya ng inaasahan, may halong katatawanan ang nasabing pag-iikot ng grupo ni Vice sa nasabing resort kung saan na-good time pa ito ng mga kaibigan nang gulatin sa isa sa mga cabinet sa lumang bahay.