Ai Ai Delas Alas, hindi na itutuloy ang planong pagbubuntis

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2019 01:49 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by AIAI DELAS ALAS (@msaiaidelasalas) on

MAYNILA -- Malungkot na inihayag ng comedy queen na si Ai Ai Delas Alas ang tila pagka-udlot ng kanilang plano ng mister na si Gerald Sibayan na magkaroon ng sariling anak.

Sa ulat ng PEP, sinabi ni Ai Ai na magiging delikado na para sa kaniya at sa kaniyang magiging baby kung ipagpapatuloy niya ang planong pagbubuntis.

"Ako lang kasi, minsan na-i-stress din ako. Kasi minsan nagkakaroon ako ng biglaang sakit, e' pag buntis ka, di ka naman puwedeng uminom ng gamot," sabi pa ni Ai Ai sa ulat.

Hindi naman itinanggi ng 55-anyos na TV host-comedian na nalungkot siya na hindi na maitutuloy ang kanilang magandang plano sana para sa kanyang asawa.

"Nalungkot din ako, pero mas inisip ko yung kapakanan ng magiging anak ko kasi tama (si Gerald) sa sinasabi niya. Kasi bigla rin ako nagkasakit lately, 'yung effect sa akin ng gamot, iba na, masyado nang malakas, nahihilo ako, nasusuka ako. Paano yung baby? Hindi ka naman puwedeng uminom ng gamot pag buntis ka, e," aniya pa.

Isa rin sa dahilan ng pagkaudlot ng kanyang planong pagbubuntis ang kanyang organic diet na kaniyang nakasanayan sa loob nang apat na taon.

"Tsaka kasi ang katawan ko organic, so pag sinapian ako ng mga synthetic, nagkakasakit ako, kawawa naman yung baby, kawawa yung baby. Siyempre ang baby pag nasanay iyan sa organic na kinakain ko, paano na siya? Paano kung may sakit 'tapos na-ano naman ng gamot or something, e, synthetic iyon," paliwanag ni Ai Ai.

Ayon pa kay Ai Ai napagkasunduan na rin nila ng kanyang mister na hindi na ituloy pa ang planong pagkakaroon ng anak.

"Siyempre, ayoko rin namang magpaka-plastic. Hindi rin naman ako bata, siya (Gerald) rin alam din niya iyon. 'Hindi ka din naman bata. What if may mangyari sa iyo, paano kami? Paano kami ng mga anak mo, iwanan mo kami?'"

"Parang naluluha ako ngayon. Parang nararamdaman ko ngayon, parang naiiyak ako," pahayag pa niya.