Pamilya at mga kaibigan, may tribute concert para kay Rico J. Puno

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 11:37 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Nakakasa na ang tribute concert para sa yumaong OPM icon na si Rico J. Puno.

Ang "Music and Laughter: Sana Tatlo Ang Puso Ko" ay magaganap ngayong Biyernes, Nobyembre 23, sa The Theatre at Solaire.

Matatandaang ang "Sana Tatlo Ang Puso Ko" ang nakatakda sanang concert ni Rico J. matapos siyang tumanggap ng pacemaker para sa kanyang problema sa puso.

Kasama niya sa nasabing concert sina Giselle Sanchez at Marissa Sanchez.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, ibinahagi nina Giselle at Marissa na nabigla sila sa pagpanaw ng batikang mang-aawit.

"Actually nagulat kami sa pagkawala niya. In fact, doon sa press con tinanong 'yon, paano kung may mangyari kay Rico J. Parang paano kung may mangyari, sabi ko 'walang mangyayari, he's at the peak of his health, the doctor gave him a clean bill of health. Pero parang marami nang premonition kasi tinanong na 'yon, tapos 'yung title pa namin 'Sana Tatlo Ang Puso Ko' kasi kung tatlo nga naman ang puso niya ay nandito pa siya nagpa-plug," ani Giselle.

"Binibiro pa namin siya, 'o kuya Rico, mag-ingat ka na, huwag kang mamamatay, malapit na 'yung show natin.' Tumatawa, ginaganun namin, tumatawa pa lahat," dagdag naman ni Marissa.

Sa tribute show, makakasama rin ang mga anak ni Rico J. na sina Rox at Tosca.

Kasama rin bilang guest artists sina Nonoy Zuñiga, Marco Sison, at Nanette Inventor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.