Jake Cuenca, bibida sa pelikulang tumatalakay sa EJKs

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 03:48 PM

Retrato mula sa Instagram ni Jake Cuenca/ @juancarloscuenca

Extrajudicial killings (EJKs) ang paksa ng bagong pelikulang pagbibidahan ni Jake Cuenca, na nakita ng aktor na oportunidad para makasama ang isa sa kaniyang mga hinahangaang direktor at ilang kapwa artistang hindi pa nakakatrabaho.

Pinamagatang "Kontradiksyon," gagampanan ni Cuenca ang papel ng isang advocate na tutol sa EJKs, na tumutukoy sa mga kaso ng mga ilegal na pagpatay na karaniwang iniuugnay sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

"Isa akong advocate ng anti-EJK na dumating sa punto na 'yong pamilya ko na 'yong naapektuhan, naapektuhan ng pinaglalaban niya (karakter). So dumating siya sa punto na ang pinaglalaban niya noon, 'yon na 'yong nilalabanan niya ngayon," kuwento ni Cuenca sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay Cuenca, masaya siya na makatrabaho ang manunulat at direktor na si Njel de Mesa, ang sumulat ng award-winning rap movie na "Respeto."

"I'm just very excited to be working with Direk Njel. I was a big fan of his work in 'Respeto' and he understands the way that I go about things," sabi ng aktor.

Itinuturing din ni Cuenca na pagkakataon ang Kontradiksyon para makasama ang ilang kapwa artista na hindi pa niya nakakatrabaho gaya nina Kris Bernal, Paolo Paraiso, at Ritz Azul.

"Everything seemed to go so well. Lahat ng scenes namin ng co-stars were all very memorable," aniya.

Kuwento ni Cuenca, pinakamalaking hamon sa pag-shoot ng pelikula ang kaniyang tuloy-tuloy na schedule.

"Iyong pinagsama-sama 'yong schedule naming lahat, especially I'm coming from my theatrical debut," kuwento ni Cuenca, na tinutukoy ang kaniyang paglahok sa produksiyon na "Lungs."

"Also I just finished 'Blood Sisters' and straight to 'Los Bastardos... I haven't had a free Sunday in four, five months."

Ipalalabas ang "Kontradiksyon" sa Pebrero sa susunod na taon. --Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.