PatrolPH

DILG, walang planong ipatigil ang seryeng 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2018 12:59 PM

DILG, walang planong ipatigil ang seryeng 'Ang Probinsyano' 1

MANILA -- Nagtakda ng diyalogo ang Department of Interior and Local Government (DILG) at mga producer ng "Ang Probinsyano" ngayong linggo.

Inihayag ni DILG Secretary Eduardo Año na nakipag-ugnayan na sa kanila ang Kapamilya network hinggil sa pagkabahala ng PNP sa pagganap ng ilang artista bilang mga "masasamang pulis."

Ayon sa pahayag, kinikilala ng DILG na kathang-isip lamang ang mga karakter sa "Ang Probinsyano" at hindi nito sinasalamin ang tunay na buhay.

Wala rin aniyang plano ang DILG na diktahan ang mga manunulat sa script at istorya ng palabas, at wala silang layuning ipatigil ito.

Hindi rin daw kontrabida ang DILG at Philippine National Police o PNP sa kalayaan sa pamamahayag.

Gayumman, ang pangunahing ikinababahala ng ahensiya ay ang paggamit ng logo, insignia, at uniporme ng PNP sa mga karakter dito na posibleng paglabag sa Revised Penal Code.

Maaari naman daw gumamit ng fictional o kathang-isip ding law enforcement agency.

Umaasa naman ang DILG na magiging constructive ang diyalogo at magkakaroon ng "meeting of the minds" o magbubunga ng maganda ang magiging pagpupulong. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.