PatrolPH

Lav Diaz, masaya sa PH premiere ng pelikula nila ni John Lloyd Cruz

Totel V. de Jesus

Posted at Nov 17 2023 10:27 PM

Handout
Bagong pelikula ni Lav Diaz na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz, ipapalabas na. Handout

MAYNILA -- Matapos ang pagkapanalo ni John Lloyd Cruz ng Best Actor award sa Locarno International Film Festival noong Agosto sa Switzerland para sa pelikulang “Essential Truths of the Lake,” nabanggit ng premyadong direktor na si Lav Diaz ang kanyang pagkadismaya sa hirap ng paghahanap ng sinehan sa Pilipinas na magpapalabas ng kanyang mga gawa.

Una, ayon sa obserbasyon ng ilang mga kritiko, hindi naman pang-mainstream ang kanyang mga obra. 

Pero kung sa haba ang pag-uusapan, nagkakasundo naman sila na hindi ito ang nagiging hadlang dahil tatlong oras or mas maigsi pa ang tinatagal ng kanyang mga bagong pelikula nitong mga nakaraang taon. Kung ikukumpara noong siya ay nagsimulang kumawala sa tradisyonal na pagawa at yakapin ang tinatawag na “slow cinema,” tumatagal ng hanggang 11 oras (“Ebolusyong ng Isang Pamilyang Pilipino”) ang kanyang mga pelikula at pinaka-maigsi na ang anim na oras (“Batang West Side”).

Ang “When The Waves Are Gone (Kung Wala Nang Mga Alon)” na pinagbidahan rin ni John Lloyd Cruz at pinalabas sa QCinema International Film Festival noong 2022 ay tatlong oras lang ang haba. 

Bago ‘yun ay ang award-winning “Genus, Pan (Lahi, Hayop)” na na-stream online kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong 2020, na halos dalawang oras at kalahati lamang ang haba.

Samantala, ang “Essential Truths of the Lake” ay tatlong oras at kalahati ang haba. 

Ang mga nabanggit na pelikulang ito ni Direk Lav ay halos sing-haba ng “Oppenheimer” (tatlong oras eksakto) ng premyadong Amerikanong direktor na si Christopher Nolan. Kamakailan lamang, ang “Killers of the Flower Moon” ng isa pang batikang direktor na si Martin Scorsese ay may tatlong oras at kalahati ang haba. 

Kaya naman nagkakaisa ang mga tagahanga ni direk Lav at mga kritiko na wala sa haba ng pelikula ang usapan. 

Nakakapagtaka rin dahil ang “Kung Wala Na Ang Mga Alon” at “Essential Truths of the Lake” ay pinagbibidahan ng dating Kapamilya heartthrob na si John Lloyd Cruz. 

Natanong natin kamakailan kay direk Lav na pagkatapos sa Locarno kung may plano pa ba siya na mag-Philippine premiere ang “Essential Truths of the Lake”. 

Ang sagot nya noon ay “sana nga maipalabas”.

“Ang hirap dito (Pilipinas) dahil nakadepende tayo sa mga komersyal na sinehan. O kaya’y sa ilang festivals katulad ng Cinemalaya at QCinema. Kung hindi nila gusto ang film natin, wala na. Ang alternatibo na lang ay ipamigay ang mga kopya online o sa kalsada sa sinumang may gusto; at libre pa,” sabi noon ni Direk sa isang huntahan namin sa e-mail. 

Pero ngayon, matutupad na ang isa sa kanyang mga pangarap, kasama ng mga bumubuo ng produksyon mula sa Sine Olivia Pilipinas at Epicmedia, dahil maipapalabas na ang “Essential Truths of the Lake” sa darating na QCinema International Film Festival na magsisimula sa ika-17 hanggang 26 ng Nobyembre. 

Ang QCinema festival ay idaraos sa mga piling sinehan sa Gateway Cineplex, Robinsons Magnolia, UP Town Center, Powerplant Mall at Shangri-La Plaza. 

Kabilang ang “Essential Truths of the Lake” sa Special Screenings program ng festival at dalawang beses ipapalabas sa dalawang sinehan sa magka-ibang mall. 

Una ay sa UP Town Center Cinema 3 sa Sabado, ika-18 ng Nobyembre, alas tres ng hapon eksakto. Ang ticket ay mabibili ng P300. 

Ang pangalawang pagpapalas nga “Essential Truths of the Lake” ay may kasamang huntahan (question-and-answer portion) sa ika-23 ng Nobyembre, Huwebes, 3:30 p.m. sa Gateway Mall Cinema 1. 

Ang “Essential Truths of the Lake” ay tungkol sa patuloy na pakikipagsapalaran ni Lt. Hermes Papauran (John Lloyd Cruz), ang pinakamagaling na imbestigador sa Pilipinas na siya ring bida sa “Kung Wala Nang Mga Alon.” 

Dito ay ini-imbestigahan nya ang misteryosong pagkawala ng modelong si Esmeralda Stuart (Shaina Magdayao) na higit labing-limang taon na ang nakaraan ng huling nakita sa isang misteryosong lawa. Si Esmeralda ay isang aktibistang environmentalist na nagtatanggol sa kaligtasan ng Philippine eagle. Sa isipan ni Lt. Papauran, siya ba ay biktima ng extra-judicial killings ng nakaraang administrasyong Duterte o ibang motibo na gawa ng mga karaniwang kriminal? Buhay pa kaya siya?

Nakapanayam natin si direk Lav ukol sa bagong pelikula. Napag-usapan na rin ang iba pa nyang ginawang pelikula at mga aspeto ng kanyang mga likhang sining. Narito ang ilang bahagi. 

Q: Nabanggit n’yo dati sa isang interview, Direk Lav, na habang ginagawa nyo ang “When The Waves Are Gone,” saka niyo lang po naisipan gawin ang “Essential Truths of the Lake”? Tama po ba pagka-intindi ko? Pero hindi sila prequel or sequel, nagkataon lang na 'yung character ni John Lloyd na Lt. Hermes Papauran ang lead character?

Diaz: Tama, hindi sila sequel o prequel, nagkataon lang na si Lt. Hermes Papauran ang pangunahing tauhan. Malaya sila sa isa’t isa, ang mga nabanggit na mga pelikula, pero kung panunoorin mo sila, halos iisang film lang sila.

Q: Then, may kakatapos lang po na pelikula with Tanghalang Pilipino actors na related sa “Kung Wala Nang Mga Alon” at “Essential Truths of the Lake”? Tama po ba? May working title na po ba o secret muna?

Diaz: Ang titulo ng halos tapos ng pelikula ay “Ang Kawalan ng Kawalan”.

Q: Nakita ko Sir sa MUBI streaming site na may naka-line up na bagong pelikula with Ma'am Charo Santos-Concio, na titled “Henrico's Farm.” Hindi naman po ito related rin sa “Ang Babaeng Humayo”? Saan naman po ito ipapalabas at anong buwan o secret muna?

Watch more News on iWantTFC

Diaz: Isa pang nabimbin na trabaho 'yan. Hindi siya pelikula sa simula. Binigyan ako ng grant ng Singapore Arts Council na ipakita sa mga estudyante at mamamayan ng Singapore ang proseso ko sa paggawa ng pelikula. 

Nakita kong maluwag naman ang budget, sinuhestyon kong bakit hindi na lang totoo ng shoot ang gawin, para tama 'yung proseso na maipapakita. Pumayag naman sila. Lumaki yung kuwento, nag-shoot ako sa Singapore, sa Germany, at dito sa atin. Konting bahagi na lang ang gagawin para matapos.

Q: Nakita ko rin po yung Book 2 ng “Heremias” naka-line up for 2023? Nabalitaan ko dati na matagal niyo na itong natapos? O bago lang din? 

Diaz: Tapos na halos 'yan. 'Yung editing lang ang hindi namin nagawa. Pero nakagawa na ako ng rough cut na naipalabas na sa isang unibersidad sa London.

Q: Open po ba kayo sa tie up with cinematheques like Cinema 76 na ipalabas ang ibang pelikula nyo on a regular basis? Or parang special screenings. 

Diaz: Oo naman. Mahalaga ang mga venues na katulad ng Cinema 76.

Q: May iba pa po ba kayong dream project na sinulat o ginawang pelikula noon ng Pambansang Alagad ng Sining Ricky Lee?

Diaz: Not so long ago, (director) Mac Alejandre and I had coffee and I told him I want to do “Salome” by Ricky. He called up Ricky at once and Ricky said yes. Ang kundisyon ko sa sarili ko ay gagawin ko lang ito kung totoo ngang hindi nabuo 'yung “Salome” ni Laurice Guillen. I love this work by Laurice a lot. I saw it in 1981. Nasa diwa ko pa rin hanggang ngayon. Nakakalungkot nga lang kung totoong wala nang buong kopya nito.

Q: Maiba tayo uli Sir. Sa mga bagong followers ng inyong pelikula, siguro hindi nila alam na nag-gi-gitara rin kayo and at one point, naglabas kayo ng instrumental album, tama po ba? At may banda kayo noong kabataan nyo, punk rock. Kung hindi kayo naging director, sa tingin nyo sir, naging parang si Nitoy Adriano kayo or Chickoy Pura o katulad nila na patuloy ang pagtugtog sa mga bars at concert scenes. 

Diaz: Musika talaga ng hilig ko nung bata pa ako. Pero dahil naman nasa kagubatan at malalayong kaparangan kami ng Maguindanao, hindi nabigyan ng tamang atensyon ng mga magulang ko ang bagay na iyon. Naunawaan ko naman. Mga guro sila at social workers. 

“Masyado silang naging abala sa pagtuturo sa mga komunidad, sa mga katutubo, sa pagsasaka, sa pagsisikap na makakain kami araw-araw. Nung magkolehiyo na, gaya ng mga kabataan noon, bumubuo-buo kami ng mga banda, nagsisikap matuto sa kung anumang instrument, at sa kung anumang mapagtuunang genre, punk, classic rock, folk, ethnic. 

Madalas akong matanggal sa mga bandang sinasalihan ko. Sa huli, nasagap ko rin ang isang grupong naniwala na may maibibigay ako. Ang ganda na ng tugtugan namin pero hindi rin kami nagtagal, natuon sa ibang kalibugan ang ilang kasama kaya nagkasira-sira. 

Bilang paggalang sa mga musikero, ayokong ituring na musikero ang sarili ko. Kaylaon ko nang napabayaan ang pagtugtog. Ang pinananatili ko na lang ay ang paglikha ng mga awit. Gaya sa anumang sining, may antas kang aabutin, isang zone o realm o sphere, bago mo masabing nandun ka na, na musikero ka na. At may kakaibang disiplina kang pananatiliin upang manatili ka roon.

Q: Hindi naman lingid sa karamihan na kayo ay nag-gigitara sa bandang The Brockas, kasama sina Khavn de la Cruz at Rox Lee. Tutugtog po ba ang The Brockas sa isang okasyong ng QCinema festival? 

Diaz: Wala pang nabanggit pero palabas din sa QCinema ang pelikula ni Khavn, yung “National Anarchist: Lino Brocka” at kasama sa kumpetisyon ng short films 'yung kay Rox na may titulong “Tamgohoy,” tungkol sa Dagohoy rebellion. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.