PNP binawi ang 'suporta' sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2018 08:34 PM


Binawi ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng tulong na ibinibigay ng kanilang hanay sa programang "Ang Probinsyano" matapos punahin ang umano'y "unfair portrayal" nito sa kapulisan. 

Sa isang memorandum na inilabas nitong Biyernes, sinabihan ni Police Community Relations Director Eduardo Garado na itigil ang lahat ng suporta ng kapulisan sa naturang palabas. 

Kabilang dito ang paggamit ng pasilidad, sasakyan, at armas ng PNP, maging ang partisipasyon ng ilang pulis sa ilang eksena. 

Iginiit ni Garado na "nangako" ang mga producer ng palabas sa mga dayalogo noong Oktubre 17 at 23 na reremedyohan ang mga isyu pero hindi umano ito natupad. 

Sinabi rin nitong Biyernes ng Department of the Interior and Local Government na posibleng magsampa sila ng kaso laban sa mga producer kung itutuloy nila ang "mali" at "di patas" na pagrepresenta sa kapulisan. 

'DISCLAIMER' 

Nauna nang sinabi ni ABS-CBN Corporate Communications head Kane Errol Choa na kathang-isip lamang ang mga karakter, lugar, at mga kaganapan sa teleserye at wala umano itong intensiyon na siraan ang reputasyon ng anumang organisasyon o maling ilarawan ang sino mang indibidwal. 

Giit naman ni Vice Ganda, hindi nagkulang sa disclaimer ang hit serye. 

"Napaka-influential kasi ng Ang Probinsyano, napakalakas niya, kaya maraming matatamaan pero hindi naman sila nagkulang sa disclaimer na kuwento lang siya," aniya.

Kinondena naman ng grupong Concerned Artists of the Philippines (CAP) ang pangingialam umano ng PNP at DILG sa serye. 

Ayon sa CAP, nababahala sila sa tila "pag-atake sa freedom of expression" ng industriya. 

"They should stick to cleaning up their own ranks of real-life destabilizers, human rights violators, and other shady suspect characters if they really want to project an image of credibility to the Filipino people," anila sa isang pahayag. 

Nanawagan din sila sa PNP at DILG na pagtuunan na lamang ng pansin ang paglilinis sa kanilang mga hanay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.