Mark Gil blames death of local films on complacency of film artists

BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com

Posted at Nov 20 2008 12:56 AM | Updated as of Nov 20 2008 08:56 AM

Isinisi ni Mark Gil ang kamatayan at kakulangan ng lokal na mga pelikula sa mga alagad ng sining na hindi umaayon sa panahon.

Ito ang kanyang isiniwalat kamakailan sa press conference bago nagsimula ang 2008 Cinema One Originals Digital Film Festival na nagsimula nitong ika-19 ng Nobyembre at tatagal hanggang ika-27 ng Nobyembre sa mga piling-piling pamantasan at kolehiyo sa bansa.

Ayon kay Mark, pansinin ang mga dating aktibong mga gumagawa ng pelikula na ngayon ay nakaistambay na lang sa isang burger house sa may panulukan ng Panay Avenue at Scout Borromeo sa Lungsod ng Quezon.

Kapansin-pansin, ani Gil, na ang karamihan sa mga ito ay masisipag at walang patlang ang paggawa noon ng 35mm na pelikula o yaong rolyo-rolyo ng paggawa ng pelikula na gumagamit ng celluloid at ipinapalabas sa mga sinehan sa pamamagitan ng 35mm na projector.

“Nakakalungkot dahil they are good people. They are good artists. Kaya lang ay napag-iwanan na sila ng panahon. Wala nang kumukuha sa kanila. Naghihintay na lang sila sa Tropical Hut ng mga roles na bihira nang dumating,” pahayag ni Mark na tampok sa dalawang pelikula ng Cinema One Originals Digital filmfest, sa “Alon” at “UPCAT.”

Dati, sa Escolta sa Maynila nakatambay ang mga taga-pelikula na naghihintay ng trabaho dahil maraming upisina ng produksyon doon noon pero nang mawala na ang maraming kumpanya ng pelikula at lumipat sa Quezon City ay dito naman naglipana ang mga walang trabahong artists.

Pudpod na ang mga sapatos at kaha-kaha nang sigarilyo ang naupos ng mga ito pero wala pa ring dumarating na grasya na alok ng pelikula.

Sinabi ng aktor na nakakasama niya ang mga nakaistambay na ito sa mga pelikula noon - mga direktor, aktor, stuntman, manunulat at iba pa - na may mga angkin ding talino sa paggawa ng pelikula.

“Pero they haven’t adapted to the requirements of the times. Iba na ang panahon ngayon. Marami nang bagong talents,” katuwiran ni Mark, Ralph Eigenmann sa tunay na buhay.

Ang tinutukoy niya ay ang paggawa ng mga independent o indie film o mas kilala rin sa tawag na digital film na siyang uso ngayon sa industriya ng pelikula.

“Ayaw nila ng pagbabago. Mas gusto nila ‘yong dati, e, iba na nga ang gusto ng tao. Iba na rin ang pangangailangan. Sayang sila. Sana ay maka-adjust sila,” pamamag-asa ni Mark.

Gayunman, hindi nawawalan ng pag-asa si Gil na magbabago rin ang takbo ng utak ng mga taga-pelikula na napag-iiwanan na ng panahon.

“Sana ay magbago na sila para magkatrabaho. Mahirap ang buhay kaya kailangang mag-adjust,” payo ng aktor.