Controversial director Jowee Morel back from docu filming of HIV in Indonesia

BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com

Posted at Nov 17 2008 07:22 AM | Updated as of Nov 17 2008 04:59 PM

Bumalik noong Sabado ng gabi ang kontrobersyal at mahusay na direktor na si Jowee Morel (“Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies),” “When A Gay Man Loves,” “Mona Singapore Escort” at “Latak”) mula sa Indonesia upang tapusin ang kanyang una sa sunud-sunod na serye ng dokyumentaryo na tumatalakay sa HIV sa Asya.

Sinabi ni Morel na matagumpay ang kanyang paggawa ng dokyu sa loob ng humigit-kumulang sa isang linggo.

“We took shots of landmarks in Indonesia, like the temples in Jakarta and the unique places in the city para maisama sa docu,” kuwento ni Jowee.

Sinabi niya na ang isa sa mga unang bumulaga sa kanya kasama ang buong production staff ng Outline Films ay ang mga nakaputing Indonesians na nakakumpol sa isang subway sa lunsod.

“Noong una, nagulat ako sa kanila. Kasi, isang crowd sila. Tapos, puting-puti talaga sila. E, hindi pa ngumingiti pero naisip ko, magandang visuals sila. So I didn’t waste time, kinunan ko sila at presto, ang ganda ng images.

“Actually, friendly people naman sila. Kaya lang, religion nila ‘yon, mga Muslim sila pero nakita ko ang transformation nila from being so preoccupied with themselves hanggang sa pagiging open nila sa amin. Later, nakikipagkuwentuhan na sila kahit hirapan sila sa English,” pahayag ng direktor.

Makikita anya ang imaheng ito sa trailer at sa kabuuan ng pelikula upang ilarawan ang bansa na kung tagurian ay “unity in diversity.”

Pagkagaling sa Jakarta ay tumuloy sina Jowee sa Bandong kung saan nandoon ang kanyang paksa sa kuwento.

Isang batambatang lalaki ang may HIV ang ininterbyu nina Morel sa Bandong kung saan lumaki ang binata hanggang lumuwas sa Jakarta at naging callboy at bumalik sa kanyang bayan.

“Very moving ang kanyang istorya and I hope maging leksyon sa lahat ng mga tao sa buong mundo,” sabi ni Morel.

Kasalukuyang ini-edit ni Jowee ang unang dokyumentaryo na tatagal ng labinlimang minuto at ipapalabas sa Asya, Europa, Amerika at iba pang kontinente sa 2009.

Pupunta rin ang grupo ni Morel sa Nepal, Myanmar, Malaysia, Thailand, Papua New Guinea at iba pang bansa sa Asya para ilantad ang mga lihim ng HIV sa mga bansang ito at pagkunan ng edukasyon at pang-unawa.

Ang Asia Pacific Network Plus, isang non-government organization, ang prodyuser ng mga docu drama.