Romnick, ibinahagi ang pagtulong ni Coco sa mga batang may malubhang karamdaman

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 05:05 PM

MANILA -- Ikinuwento ni Romnick Sarmenta ang naging pagtulong ni Coco Martin sa mga batang may malubhang karamdaman.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa press conference para sa pelikulang "Write About Love," ibinahagi ni Romnick na hindi niya inakalang pagbibigyan siya ni Coco sa kanyang hiling na sumama ito sa isang charity event. 

Parte si Romnick ngayon ng sikat na seryeng "FPJ's Ang Probinsyano" na pinagbibidahan ni Coco.

"I was fortunate enough na mapakiusapan siya. Actually pinagbigyan niya ako kaagad. Part kasi ako ng Make A Wish Philippines where we try to grant the wishes of children with life-threatening conditions. Noong sinabi ko na, 'May mga batang maysakit na gusto kang makilala,' sabi niya agad, 'Game, kailan yan?'" kuwento ni Romnick.

"For me, that was a very big thing."

Naganap ang pagtulong ni Coco sa mga batang may malubhang karamdaman matapos ang isa pang charity event na ginawa ng bida ng "Ang Probinsyano" sa Philippine Children's Medical Center kung saan ipinagdiwang niya ang kanyang kaarawan

"Pinagbigyan niya ako, nagpunta kami sa isang venue. The kids were there, sinundo ng foundation, tapos he gave them gifts. All they wanted was to meet him," ani Romnick.

"Minsan 'yung ganung simpleng bagay, give a little bit of your time, a little bit of your effort goes a long way. And to see guys like him do that, sana nga nai-inspire lalo 'yung iba,"dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.