Miles Ocampo, binasted nga ba si Mccoy de Leon?

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 03:37 PM

MANILA -- Nagsalita na si Miles Ocampo sa isyung nag-uugnay sa kanya sa aktor na si Mccoy de Leon.

Sa panayam ng ABS-CBN News nitong Lunes sa press conference para sa kanyang pelikulang "Write About Love," nilinaw ni Miles ang balitang binasted umano niya ang aktor.

"Hindi naman. Paano ba? Kasi nung na-interview ako kay Tito Boy (Abunda), nagsabi ako na nagte-text kami. Akala ng mga tao kapag nagte-text ay mag-jowa na. Hindi naman po ganun, text, text lang. Wala po talaga. Text, text lang," ani Miles.

Iginiit din ng aktres na hindi siya nililigawan ng aktor. 

"Wala po. ...Hindi po kami lumalabas na super date, susme. Nagkikita lang po kami minsan sa mga event, sa party," giit ni Miles.

Ayon kay Miles, mas pinipili niya na huwag munang pumasok sa isang relasyon, isang bagay na alam din aniya ni Mccoy.

"Choice ko po, nae-enjoy ko pa po ang sarili ko. I love myself so much," ani Miles na masaya sa pagpasok ng pelikula niyang "Write About Love" sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2019. 

"Hindi po ako sanay. Sabi ko, 'Direk, ganito pala 'yon.' Kasi sanay ako kapag nagshu-shoot, mayroon kang pahinga kasi mayroon pang ibang na kukunan. Ito wala po. Opening to closing ng araw, ako ang kasama. Tapos mayroon akong (moment) na kinikilig ako na ini-imagine ko lang siya before na gagawin ko siya sa mga eksena. Siyempre lumaki ka sa industriya na pangarap kong magkaroon ng rom-com. Tapos nung ginagawa na namin 'yung ganung eksena, nakakakilig," kuwento ni Miles na kasamang bida sa pelikula ang aktor na si Rocco Nacino.

Pag-amin ni Miles, hindi niya inakala na mapapasama ang una niyang pagbibidahang pelikula sa MMFF.

"Hindi ko po talaga alam na ipapasa ito sa MMFF. Ang buong akala ko ay October kami ipapalabas. Noong malapit na ang October, nahiya akong magtanong kung kailan ba tayo sho-showing. So nung day itself na ia-announce kung sino ang pasok sa MMFF, doon lang po sinabi na 'Please pray by 2 p.m. malalaman natin (kung makakapasok sa MMFF),'" kuwento ni Miles. 

"Siyempre lahat gusto makapasok dahil MMFF po ito. Siyempre may respeto po tayo na kapag MMFF, 'yung mga prime (stars), sina Vice Ganda, si Bossing (Vic Sotto). Sobrang blessed lang po ako at nakakilig na mapasama ang pelikula namin," ani Miles na ang tanging hiling lang ay panoorin ang kanilang pinaghirapang pelikula.

"Hindi na po natin mabubuwag ang top na 'yan. Mabigyan lang po talaga ng chance na mapanood ng marami ang pelikula," ani Miles.

Kasama rin sa "Write About Love" sina Romnick Sarmenta, Yeng Constantino at Joem Bascon sa direksiyon ni Crisanto B. Aquino.

Ipapalabas sa mga sinehan ang "Write About Love" sa Pasko, Disyembre 25.