PatrolPH

Isabel Granada, ginawaran ng military honors

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 11:58 PM

Watch more on iWantTFC

Binigyan ng military honors ang pumanaw na aktres na si Isabel Granada bilang pagkilala sa kaniyang pagsisilbi sa Philippine Air Force. 

Mag-aalas-10 ng umaga nang dumating mula Qatar ang labi ni Granada, na nakalagay sa puting wooden casket.

Magkakasamang sumalubong sa labi ni Granada ang asawa niya na si Arnel Cowley, dating asawa na si Jericho Aguas at anak nilang si Hubert, at ilang mga kaibigan. 

“Mabigat po sa dibdib naming lahat ang mga nangyayari. Sabi ko nga, kailan po kaya gagaan ang aking dibdib,” ani Aguas.

“Hindi ako makapaniwalang sinusundo ko siya nang ganito na lang at nasa isang kahon na lang,” pahayag ni Chuckie Dreyfus, dating katambal ni Isabel. 

Binalot sa bandila ng Pilipinas ang casket ni Granada bilang parte ng military honors na ibibigay sa kaniya ng Philippine Air Force. 

Sa gitna ng preparasyon, hindi na napagilan ni Cowley ang maiyak.

"Now that she's gone, I really don't know what I'm going to do," ani Cowley.

Ibinahagi din ng anak ni Granada na si Hubert ang hirap na pinagdaraanan at pagsisisi niya sa pagkawala ng ina.

"After those two weeks, knowing that she's gone na talaga, it's very hard to cope. Marami po akong naging regrets kasi medyo malayo nga po. We don't really communicate as much," ani Hubert.

Pagsisilbi sa Air Force

Dalawang taong nagsilbi ang aktres bilang Airwoman 2nd Class Sergeant sa Air Force. 

“I never really had knowledge about ‘yung history ng mom ko sa Air Force. [But] I am grateful po and thankful,” kuwento ni Hubert.

Gagawaran din ngayong Nobyembre ng posthumous award si Granada sa Eastwood Walk of Fame, bilang pagkilala sa kaniyang naiambag sa showbiz.

Samantala, diniretso sa Arlington Chapel sa Quezon City ang labi ni Granada para ihanda sa apat na araw na burol sa Sanctuario de San Jose simula ngayong Huwebes ng gabi.

Dala rin ng aktres na si Bianca Lapus ang susuotin ng pumanaw na kaibigan.

“[It] symbolizes how she is a very simple girl,” paglalarawan ni Lapus sa susuotin ni Granada. 

Pamilya at mga malalapit na kaibigan muna ang makabibisita kay Granada.

Sa Biyernes, alas-10 ng umaga, magsisimula ang public viewing para sa mga gustong makiramay sa pamilya ng pumanaw na aktres. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.