Kampo ni Morissette humingi ng pang-unawa matapos ang 'walkout' issue

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pang-unawa ang hiling ng kampo ng singer na si Morissette Amon matapos itong magkaroon ng medical emergency at mabigong magtanghal sa isang concert noong Miyerkoles.

Guest si Amon sa concert ng bagitong performer na si Kiel Alo, pero sa gitna ng show ay biglang lumabas ang manager niyang si David Cosico para sa isang anunsiyo.

"I would like to apologize on her behalf, but there is a medical emergency that we have to attend to. I am so sorry," paliwanag ni Cosico.

Bago ang "walkout" ay na-interview pa si Amon at Alo, pero masaya umano itong nakipagkuwentuhan sa media.

Sa interview, natanong si Amon ukol sa estado ng kaniyang relasyon sa pamilya matapos ang mga viral post ng kaniyang ama sa social media.

Iyon umano ang naging mitsa ng pagwo-walkout ni Amon.


'The show must go on'

Hindi naman mapigilan ng producer ng show na si Jober Sucaldito na sumabog sa galit matapos ang ginawa ni Amon.

"Kung artist ka, the show must go on. Lahat naman tayo may mga problema, pinagdadaanan sa buhay. We have even worse. Iba nga namamatayan nagso-show, kasi may commitment ka eh," giit ni Sucaldito.

Ayon sa producer, tila naapektuhan si Amon ng tanong ukol sa kaniyang pamilya.

"[She] felt she was attacked by the media, by the interview," aniya.

Gayunman, naintindihan ni Sucaldito ang sitwasyon kaya hiniling na lang niya na magpakita ang singer.

"Ang gusto ko lang makita ng tao because, as a producer, ayokong magmukhang niloko ko kayo," aniya.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Amon, bukod sa paghingi ng pag-unawa sa pinagdadaanan ng singer.


—Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.