Highlights ng OPM itinampok sa online concert ng Manila Symphony Orchestra

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2020 04:53 PM

MANILA - Isang malaking tagumpay ang new normal virtual concert ng Manila Symphony Orchestra na naganap noong Biyernes, October 30, at napanood sa official Facebook page ng Ayala Museum.

Ang naturang charity project ay layon magbigay ng isang taon na internet access sa bawat isang estudyanteng kabataan sa loob ng isang taon.

Naging pahulaan naman sa concert kung anu-ano ang sampung immortal OPM songs na napili ng Manila Symphony Orchestra, na para sa kanila ay walang kupas at nananatiling paborito ng mga Pilipino.

Pasok sa sampu ang mga awiting likha ng National Artist for music na si Ryan Cayabyab; OPM legends Rey Valera, Louie Ocampo at Willy Cruz, folk singers na sina Fredie Aguilar at Florante, at ang rock legend na si Eli Buendia. 

Narito ang kanilang mga itinampok na awitin:

Limang-Dipang Tao (1981)
Composed and arranged by Ryan Cayabyab

Si Aida, O si Lorna, O si Fe (1989)
Composed by Louie Ocampo

Anak (1978)
Conposed by Freddie Aguilar

Handog (1970)
Composed by Florante

Sana’y Wala Nang Wakas (1986)
Composed by Willy Cruz

Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (1981)
Composed by Rey Valera

Ang Huling El Bimbo (1996)
Composed by Ely Buendia

Sa naunang panayam, ibinahagi ni Jeffrey Solares, executive director ng Manila Symphony Orchestra, kung paano nila pinaghandaan ang naturang online concert.

“We chose these pieces because they are familiar to people. They have quality arrangements and have meaningful message for the present situation,” sabi ni Solares.

Sa tulong ng Ayala Foundation at Avida, inaasahan na masusundan pa ang “The Rush Hour” concert series dahil isa itong malaking tagumpay na tumutulong sa mga kabataan na maitawid ang kanilang edukasyon sa panahon ng pandemya. 

Ang Manila Symphony Orchestra ay isa sa pinakaunang orchestra sa Asya na nagsimula taong 1926 at itinayo ni Alexander Lippay. 

Malaki ang naging papel ng orchestra sa kasaysayan ng bansa. Dahil tanyag sa mundo ng classical music, nakasama na rin ng Manila Symphony Orchestra ang maraming international musicians.