Maymay at ibang artista, ibinahagi ang nakakatakot na karanasan

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 04:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Nagbahagi ang ilang personalidad ng kanilang nakakakilabot na experience na di nila makakalimutan.

Una na ang aktor at ngayo'y Ormoc City Mayor na si Richard Gomez.

Panahon ng kanyang kabataan at kasama ang mga kalaro nang makita niya ang isang kakaibang nilalang sa talahiban.

"Noong bata kami, naglalaro kami sa bukid. Nakakita kami ng maliit na tao. Hindi naman siya unano, parang matanda na, parang engkanto na maliit na tao. Tapos nagalit siya sa amin kasi bakit daw ang gulo-gulo namin sa lugar na 'yon, kasi nasisira daw ang mga halaman niya," ani Richard.

Ang Star Music artist na si Janah Zaplan, matatakutin at di inaasahan na makakikita siya ng isang batang multo sa gilid ng kanyang kama.

"Natutulog ako, nagising ako mayroong boy na nakaupo na gumagalaw-galaw nang ganyan. Pero dahil matatakutin ako na tao, ipinikit ko na lang. At buti pagdilat ko, wala na siya roon," ani Janah.
 
At si Maymay Entrata naman, sa unang pagsakay sa isang elevator naganap ang kanyang horror story.

"Ay Diyos ko! Naaalala ko pa rin. Hindi ko alam kung nakita ko talaga o guni-guni ko lang, pero ramdam na ramdam ko. Nandoon kami sa elevator at sinabi sa amin na matagal na panahon na 'yung hotel na 'yon. Kasama ko flower girl na six-year-old, pinindot niya 9th floor. Pagdating ng 9th, diretso tiles na siya tapos diretso kuwarto, tapos nakapatay 'yung ilaw, tapos ang tubig baha. Hindi namin ma-close ang elevator tapos sa dulo may babae papunta [sa amin]," kuwento ni Maymay.

Uso man ang kwentong katatakutan ngayong Halloween season, huwag kalimutan na ipagdasal ang mga namayapang mahal sa buhay.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.