Lovi Poe, inalala ang sakit nang mawala ang amang si FPJ

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 05:02 PM | Updated as of Nov 01 2019 05:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Binalikan ng aktres na si Lovi Poe ang sakit na mawalan ng ama.

Si Lovi ay anak ng yumaong Hari ng Aksiyon na si Fernando Poe Jr. sa dating aktres at beauty queen na si Rowena Moran.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, kinuwento ni Lovi ang lungkot noong bawian ng buhay ang ama.

"Para sa akin napakasakit noon. Kasi nawala ang Papa ko nung, kung di ako nagkakamali ay 15 years old pa lang ako. So noong bata ako, nandoon ako sa stage bilang teenager na, 'fairy tales do come true.' So noong nalaman ko na nasa ospital si Papa, di ko naisip na mawawala siya. Kasi ang thinking ko noong panahon na 'yon... magiging okay ang lahat," aniya.

"Parang 'yun ang nasa isip ko na, 'Kukunin na sa akin ni God na ganito ako kabata? Imposible.' 'Yun ang nasa utak ko. Then, nangyari 'yung hindi ko ini-expect," dagdag ni Lovi.

Kuwento ng aktres, isang tao ang nagsabi sa kanya na huwag na siyang umalis sa tabi ng ama sa ospital dahil maaari itong bawian ng buhay anumang oras.

"Nagalit pa ako sa tao na 'yon. [Sabi ko] parang, 'Ano ang sinasabi mo, na anytime puwede siyang mawala? Parang ang negative mo naman.' Kasi nga fairy tale [ang paniniwala ko]. Buti na lang di ako umalis kasi after an hour, doon siya nawala," aniya.

Ayon kay Lovi, kahit masakit ay kailangan niyang harapin ang pagkawala ng ama.
 
"Alam mo, things happen for a reason. Before, di ko ma-explain bakit nangyari ito. Nagalit ako na bakit ang aga naman, di ako masyadong nabigyan ng pagkakataon. Pero through time, mare-realize mo bakit nangyari ito, malalaman at malalaman mo eventually," ani Lovi na pinasalamatan din ang kanyang kapatid na si Senator Grace Poe na isa sa nagbigay sa kanya ng pagmamahal kahit wala na ang ama.
 
Sa ngayon ay bida ang aktres sa pelikulang "The Annulment" kasama ang si Joem Bascon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.