Piolo Pascual, payag 'jowain' sina Shaina, Bea at Kim?

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 03:39 PM

MAYNILA -- Sumabak sa kuwelang "Jojowain o Totropahin" challenge ang aktor na si Piolo Pascual.

Sa kanyang vlog, ibinahagi ng aktor ang video kung saan kasama niya bilang host ang kaibigang si Alessandra de Rossi.

Ang hamon: kailangan lang mamili ni Piolo kung gugustuhin niyang maging nobya (jojowain) o gusto lang niyang maging kaibigan (totropahin) ang mga babaeng mababanggit.

Ilan sa mga pangalang "jojowain" ni Piolo ay sina Kim Chiu, Bea Alonzo at Shaina Magdayao.

Samantalang "totropahin" naman ng aktor si Regine Velasquez na nakasama niya noon sa pelikula.

Parehong "jojowain at totropahin" ni Piolo sina Bela Padilla, Maja Salvador at Arci Muñoz.

"Respeto." Ito naman ang sagot ng aktor nang banggitin sina Miss Universe Catriona Gray, Judy Ann Santos, Assunta de Rossi at Sarah Geronimo.

"Si Kath. Nakakabatang kapatid ko 'yan. At saka kapatid ko si DJ," ang sagot naman ni Piolo nang banggitin sa kanya ang pangalan ni Kathryn Bernardo, nobya ng aktor na si Daniel Padilla.

Nahirapan naman si Piolo na sumagot nang sabihin sa kanya ang pangalang Nadine Lustre at Alex Gonzaga. 

"Okay naman. Ano ba dapat? ... Kapag taken huwag naman," patungkol kay Nadine.

"Best friend ko ang boyfriend niya," paliwanag naman ni Piolo tungkol kay Alex.
 
Napuno naman ng kulitan ang hamon nang isubo ni Piolo ang papel kung saan nakasulat ang pangalan ng dati nitong naging nobya na si KC Concepcion. 

"Uy, ganun niya kamahal. Kiniss niya 'yung papel, true love," hirit ni Alex kay Piolo na hindi na nagbigay ng komento.