Mga kasamahan sa showbiz, politika, dumalaw sa lamay ni Rico J. Puno

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang kasamahan sa industriya ng show business at politika ang dumalaw ngayong Miyerkoles sa lamay ng yumaong OPM icon na si Rico J. Puno.

Mula nang dumating ang mga labi ni Puno sa Santuario De San Antonio sa Makati ay tuloy-tuloy ang pagdating ng mga kaibigan para makiramay sa pamilya ng mang-aawit na binansagang "The Total Entertainer."

Pumanaw noong Martes si Puno sa edad na 65 dahil sa heart failure.

Kabilang sa mga unang dumalaw ang mag-amang aktor na sina Niño at Alonzo Muhlach, jazz singer na si Richard Merk, rocker na si Mike Hanopol, at "Pop Diva" Kuh Ledesma.

Dumating din ang mga kasamahan ni Puno sa politika gaya nina Makati 2nd District Rep. Luis Campos at misis na si Makati Mayor Abby Binay.

Dumalaw din sina Makati Vice Mayor Monique Lagdameo at councilor Jhong Hilario.

Bago pumanaw, nakapaghain pa ng kandidatura si Puno para muling tumakbo bilang konsehal sa lungsod.

Ayon sa kapatid na si Jun Puno, hindi pa nakapagdedesisyon ang kanilang pamilya kung magkakaroon ng public viewing.

Sa ngayon, pamilya, kaibigan at mga kasamahan sa industriya pa lang ang maaaring dumalaw.

May plano ring ilagak ang labi ni Puno sa Makati City Hall para makapagbigay ng final respects ang kaniyang mga constituent.

Sa susunod na Huwebes ang libing dahil may ilang kaanak pang hinihintay ang pamilya mula sa ibang bansa.

Magkakaroon naman sa susunod na Miyerkoles ng isang OPM tribute night kung saan magsasama-sama ang mga kasamahan ni Puno sa industriya para ipagdiwang ang kaniyang legacy.

--Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.