Paano ba unang nalaman ni Jennylyn na buntis siya — sa tarot cards daw?

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2021 11:29 PM | Updated as of Oct 31 2021 08:13 AM

Mula sa Instagram ni Jennylyn Mercado
Mula sa Instagram ni Jennylyn Mercado

Sorpresang maituturing ng aktres na si Jennylyn Mercado ang kaniyang pagbubuntis dahil na rin sa kaniyang kondisyon. 

Sa panayam sa Preview magazine, inamin ni Mercado at fiancé nitong si Dennis Trillo na 2018 pa lamang ay sinusubukan na nilang magkaanak ngunit hirap ang aktres na mabuntis. 

Kaya naman noong 2020, napagdesisyunan nilang pumunta na sa Amerika para sa surrogacy. Sa Dallas nakahanap ang 2 ng maaaring magbuntis para sa kanilang magiging anak.

Nakahanda na umano ang lahat at pagpirma na lamang sa mga dokumento ang kulang nang makaramdam ng kakaiba si Mercado sa kaniyang sarili. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Preview.ph (@previewph)

Ayon sa kuwento nito, nasa shooting siya ng isang pelikula nitong Setyembre nang mapansing hindi pa siya nagkakaroon ng buwanang dalaw kasabay ng pagkahilo, senyales ng pagdadalang-tao. 

Pag-amin ni Mercado, walang pregnancy test kit noon kaya bumase na lamang ito sa tarot cards kung saan 3 baraha ang sumang-ayong buntis siya.

Doon na aniya siya tumawag kay Trillo upang bilhan siya ng pregnancy kit upang masigurong buntis na nga siya. 

Nakumpirma ng long-time celebrity couple na 5 linggo nang buntis si Mercado. 

Ikinagulat ng aktor, na kababalik lamang mula sa Venice Film Festival noon, ang mga pangyayari. 

“Parang ang galing lang ng timing dahil nangyari pa rin ’yung gusto namin sa natural process talaga,” kuwento ni Trillo.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Preview.ph (@previewph)

“Halo-halong emotions ’yung naramdaman ko. Natakot ako para sa kanya kasi mag-isa lang siya doon. Health niya yung una kong naisip siyempre, tapos kung papaano ako makakatulong sa kanya kahit malayo ako.”

Buti na lamang umano at mabilis na nakalabas sa lock-in filming si Mercado upang mas matutukan ang pagbubuntis sa bahay. 

Nais pa sanang ituloy ng 2 ang surrogacy sa Amerika, ngunit napagtanto nilang mahihirapan silang pagtuunan ng pansin kapag dalawa ang bata. 

“Buti na lang, ayon, kumalma ’yung mga utak namin. Nag-decide kami na mag-focus muna kami dito,” pahayag ng aktor sa Preview. 

Nitong Biyernes, inanunsyo nina Mercado at Trillo na engaged na sila at magkakaroon na ng sariling anak. 

Kapwa may tig-isang anak ang 2 artista sa mga nauna nilang relasyon na si Alex Jazz, anak ni Mercado kay Patrick Garcia, at si Calix na anak ni Trillo kay Carlene Aguilar.