KZ Tandingan, kinabahan sa unang pelikula

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 11:57 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Aminado si KZ Tandingan na kinabahan siya sa pagsabak sa kanyang unang pelikula na "The Art of Ligaw."

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, ibinahagi ni KZ na noong una ay hindi pa siya makapaniwala na mabibigyan siya ng pagkakataon na umarte.

"Sobra po akong kinabahan. Nakakatuwa 'yung paraan paano ko nalaman. Kasi hindi ba, kapag nagre-record ako ng OST gusto ko talaga na alam kung 'yung kuwento ng movie para alam ko kung anong direksiyon at emosyon ang pagdadalhan ko ng kanta. Sabi sa akin ng handler ko, 'May papadala ako sa iyong synopsis ng isang movie, basahin mo and then let me know what you think.' Binasan ko, sabi ko, 'Ay ang ganda nakakatuwa parang ako 'yung nasa kuwento, I love it.' Tapos nag-message ako sabi ko, 'Okay ang ganda ng kuwento pero parang kulang 'yung attachment ng email walang MP3 file. Wala 'yung song na kakantahin ko.' Tapos sabi sa akin, 'Hindi, hindi. A-acting ka raw dito.' Parang loko-loko naman ata. Mali yata 'yung na-send na email. Hindi talaga ako naniniwala until nagharap-harap na kami ng direktor at team ng 'Art of Ligaw,'" kuwento ni KZ.

"Ang unang-unang tanong ko sa kanila, bakit po ako? 'Yung tanong niyong lahat, bakit po ako? Kasi singer tapos mapupunta sa movie," dagdag ng mang-aawit.

Ayon kay KZ, nag-acting workshop siya para sa nasabing pelikula.

"Sobrang na-love ko siya as an art kasi sobra po palang nakakapagod mag-artista. Nag-workshop ako, may paiyak-iyak kaming ganyan. Pero after nung buong pag-shoot namin ng movie na miss ko 'yung experience. Na-miss ko 'yung sobrang napupuyat, nagme-memorize ng script, nagi-internalize ka, 'yung iisipin mo kung paano mo aatakihin 'yung scene," ani KZ na aminadong malapit sa kanya ang kanyang karakter sa pelikula.
 
Kasama rin ni KZ na bida sa pelikula ang aktor na si Epy Quizon.

Ipapalabas sa mga sinehan ang "The Art of Ligaw" sa Nobyembre 1.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.