Maja, minsang nagduda sa chemistry nila ni Zanjoe

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 08:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinunyag ni Maja Salvador na minsan siyang nagduda kung may chemistry ba sila ni Zanjoe Marudo, na katambal niya sa pelikulang "To Love Some Buddy."

"Noong nagshu-shoot kami, sabi ko, 'Mayroon ba kaming chemistry ni Z?' or parang 'Di 'ba kami mukhang parang, kasi 'yong height difference 'di ba?'" kuwento ni Salvador sa black carpet premiere ng pelikula ngayong Martes, nang tanungin kung bakit "click" ang tambalan nila ni Marudo.

"Tapos noong pini-preview ko na, noong nag-dubbing na, sabi ko, 'Ay, parang cute kami,'" dagdag ng aktres.

Ayon pa kay Salvador, dahil sa pelikula ay naka-bonding niya si Marudo at lalo pa itong nakilala.

"Lately mas marami kaming nadi-discover sa isa't isa, mas nakakapag-bonding kami," sabi ni Salvador. 

"Mas more pa naming kinikilala 'yong isa't isa kaya mas lumalabas siguro doon 'yong spark."

Susundan ng "To Love Some Buddy" ang kuwento ng dalawang magkaibigan na itataya ang kanilang pagkakaibigan para sa isang romantic relationship.

Kaugnay sa paksa ng pelikula, naniniwala si Marudo na dapat itaya ang pagkakaibigan para sa pag-ibig.

"I-risk nila kasi para 'di ba? Wala kang tanong, if ever, kung ano'ng mangyari, walang what ifs," ani Marudo.

"Lalo kung totoo 'yong nararamdaman mo," aniya.

Ipalalabas ang "To Love Some Buddy," na dinirek ni Jason Paul Laxamana, sa mga sinehan simula Oktubre 31.

--May ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.