Bela Padilla ikinuwento ang mga hamon sa pag-shoot ng 'Mañanita'

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 08:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inamin ni Bela Padilla na hindi madali ang kaniyang mga pinagdaanan sa pag-shoot ng pelikulang "Mañanita," ang natatanging Pinoy film na kasama sa main competition ng Tokyo International Film Festival 2019.

Kabilang sa mga naging hamon kay Padilla sa shooting ang pag-aaral kung paano mag-assemble ng baril at umasinta.

"I had to learn how to shoot properly with rifles, I had to train sa camps so ang daming pinagdaanang proseso, physically, mentally," ani Padilla sa panayam ng ABS-CBN News sa Tokyo.

"Marunong na akong mag-assemble ng rifle ngayon... lahat ng target na pinabaril nila sa'kin, bull's eye naman," dagdag niya.

Kasama ni Padilla na dumalo sa red carpet ng Tokyo International Film Festival ang direktor ng "Mañanita" na si Paul Soriano.

Susundan ng pelikula — na isinulat ni Lav Diaz — ang isang military sniper, na ginagampanan ni Padilla, na magbabago ang takbo ng buhay.

Idaraos ang international premiere screening ng "Mañanita" sa gabi ng Martes.

Ipalalabas din ang pelikula sa Pilipinas bago mag-Metro Manila Film Festival.

Kasama rin sa Philippine delegation sa Tokyo festival sina Antoinette Jadaone, Dan Villegas, at Carlo Cannu para sa "Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay," Pinky Amador at Mara Lopez para sa "The Halt" ni Lav Diaz, Sigrid Bernardo para sa "Untrue," Kent Gonzales ng "Kuwaresma," at JC Gonzales para sa "Motel Acacia."

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.