PatrolPH

‘Love is still there’: Boy Abunda may payo sa Barretto sisters

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 09:18 PM | Updated as of Oct 26 2019 10:08 PM

MAYNILA—Hindi naiwasang magbigay ng saloobin ang TV host na si Boy Abunda ukol sa lumalalang hidwaan ng Barretto sisters, lalo pa't malapit siya sa 3 magkakapatid.

Trending buong linggo sina Gretchen, Marjorie, at Claudine matapos silang magbangayan sa lamay ng kanilang ama, na natunghayan pa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Abunda, dapat maging maingat sa mga binibitawang salita ang pamilya lalo't pinagpipiyestahan ito ng publiko.

"Naniniwala ako bilang pamilya lahat ng bagyo, dumadaan. You have to be very prudent, you have to be very cautious dahil pag may nabitawan ka nang salita . . . mahirap bawiin. Take a few steps backward as a family," payo ni Abunda, na tumayong manager ni Gretchen noon.

Tingin ni Abunda, dapat manahimik muna ang magkakapatid at hintaying maghilom ang mga sugat bunsod ng mga nangyari nitong nakalipas na linggo.

"Whatever is left unsaid should be left unsaid. Wait for some time, buy a little time. Hindi naman nagpapabaya ang Diyos. May mga bagay na hindi naayos pero without you knowing it, naaayos."

Sabi pa ng TV host, naniniwala siyang may natitira pang pagmamahalan sa pagitan ng magkakapatid.

"I'm really hoping lalo na si Marj at si Gretchen, kasi ang pinanggalingan niyan ay sobrang pagmamahal. I was witness to how both of them love each other and I believe in our hearts that love is still there . . . Love should be bigger than their differences," ani Abunda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.